Abante Tonite Interactive

Antipolo City pasok sa Child-Friendly LGU sa Calabarzon

1,350

Ito na ang ikatlong taong nasungkit ng ­Antipolo City government, sa pamumuno ni Mayor Jun Ynares, ang Regional Seal of Child-Friendly Local Governance matapos mapagtagumpayan ang isinagawang audit ng Council Board of the Council for the Welfare of Children kamakailan.

Tumanggap din ng parehong parangal ang lungsod noong 2015 at 2016.

“Patunay po ang pagkilalang ito mula sa pamahalaang nasyunal na prayoridad po sa amin ang pagtulong at pagligtas sa mga kabataan mula sa kapahamakan. Bilang isang ama at punong lungsod, wala na pong mas hihigit pa sa pagmamahal at pag-aalala ng isang magulang kung kaya’t hindi po kami titigil sa layu­ning ilayo sila sa pa­nganib at bigyan sila ng magandang buhay,” sabi ni ­Mayor Ynares.

Sa pangunguna ng City Social Welfare and Development Office (CSWD), naging daan sa pagkakapanalo ng Antipolo ang mga mas pina­lakas na programa katulad ng 3-days Life Skills Training on Street Children at Barangay Caravan. Nagtungo ang CSWD sa 16 na barangay upang ituro ang mga batas tungkol sa karapatan ng mga kabataan at responsibi­lidad ng mga magulang. Kabilang din dito ang Li­ngap Kabataan Center at Kanlungan Kabataan Village na naging drop-in at help center ng 2,858 na kabataang nailigtas ng Oplan Lingap Kabataan sa Lansangan simula pa noong 2013.

Kaakibat ng mga na­sabing programa ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansang City Ordinance 2015-618 o ‘Parental Responsibility for the Protection of Children’s Rights’ at City Ordinance 2017-818 o mas kilala bilang ‘Curfew on All Minors’.

Layon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagkilala sa mga LGU na walang tigil na nangangalaga at nagtatanggol sa karapatan ng mga kabataan.