Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Anyare na sa presyo ng bigas?

0 490

Habang nalilibang, este nahihibang tayo sa kakaisip sa pandemic na made in China virus na COVID-19, mukhang nakalimutan na natin ang pangakong napako [na naman] na bababa ang presyo ng bigas nang hanggang P25 per kilo kapag bumaha ang imported na bigas.

Kung matatandaan nyo mga tropapips, noong 2019 na panahon na wala pang COVID, nagtatalsikan ang laway ng mga pabor at kontra sa kontrobersiyal na Rice Tariffication Law na nagpahintulot na payagang bumaha ang imported rice sa bansa sa pangakong mapapababa nito ang presyo ng bigas sa merkado.

Ang may pakulo niyan eh ang Department of Agriculture na isinulong din ng ilang senador sa pangunguna ni Cynthia Villar, na naglalayong makikinabang sa ayuda mula sa kita ng taripa ang mga apektadong magsasaka ng palay.

Marami ang tutol sa naturang panukala noon dahil nga naman kawawa ang mga lokal na magsasaka kapag bumaba ang imported rice, sino pa nga naman ang bibili ng kanilang palay? Sa mahal kasi ng gastusin sa pagtatanim, hindi nila maibenta sa murang halaga ang kanilang palay na sinasamantala rin ng mga traders.

Nang panahon na iyon mga tropapips, naglalaro sa P35 hanggang P40 per kilo ang masasabing pang-masang bigas na maliliit o kung minsan eh durog ang butil. Habang nasa P50 hanggang P60 per kilo na ang para sa mga nakaka-LL o luwag-luwag na naghahanap ng maputi at medyo malalaking butil.

Para sa mga taong tatlong kahig isang tuka, umaasa sila sa bigas ng National Food Authority o NFA rice na nasa P27 o P30 per kilo na depende rin sa klase. Kung minsan na hindi siguro hinahaluan ng mga buraot, may tipong premium na NFA rice na mabibili. Aba’y jackpot na ‘yon para sa mahihirap.

Ang problema, may mga alingangas na sinasabing ang magagandang bigas ng NFA eh ibinebenta sa mga tindahan at inihahalo naman ng mga kolokoy na negosyante sa ibang bigas o pinapalitan ng sako para maging primera klase at maibenta nila nang mahal.

SM food to go Banner Ad

Pero noon ‘yon. Nang maipasa ang Rice Tarrification Law, dehins na puwedeng magbenta ng bigas ang NFA sa merkado [hindi lang natin alam kung may mga mokong pang palihim na nagbebenta sa mga negosyante]. Ang bigas ng NFA, dapat eh pangreserba na lang sa suplay ng bigas ng bansa.

Ang katwiran nga kasi ng mga opisyal natin, kapag bumaha ang imported rice sa merkado, hahatakin nito pababa ang presyo ng bigas at aabot daw kuno sa hanggang P25 per kilo ang pinakamura, na mas mababa pa sa NFA rice.

Ang kaso, nang mahimasmasan ang kurimaw nating taga-Maynila mula sa mga ayuda, naghanap siya ng pinakamurang bigas sa kanilang lugar sa Dagupan na bagsakan ng bigas at P37 per kilo ang kaniyang nakita. Kahit nakaikot daw siya sa ilang tindahan, wala siyang nakita kahit man lang P30 per kilo.

Napatanong tuloy ang kurimaw natin, anyare sa pangakong bagsak-presyo ng bigas? Aba’y malaking pakinabang sana sa mga hikahos ngayong pandemic kung may matinong bigas na P25 per kilo o kahit man lang P29 per kilo.

Ngayon ngang Pebrero, sumirit sa 4.7% ang inflation rate o bilis ng pagmahal ng mga bilihin at serbisyo. Ikalimang buwan na sunod na ito ng pagtaas ng inflation at pinakamabilis sa nakalipas na dalawang taon–mula nang maaprubahan ang Rice Tarrif Law.

Pero ang pagtaas ng inflation, hindi dahil sa bigas kung hindi dahil sa pagmahal ng karne. Ngayon, parang panahon noong pagtaas ng presyo ng bigas, humihirit ang DA na magkaroon rin ng kaluwagan sa taripa at hayaan bumaha ng imported na karne sa Pilipinas para daw bumaba ang presyo nito sa merkado.

Aba’y parang replay at sounds very familiar lang ang dahilan ‘di ba mga tropapips? At dahil dalawang taon na ang nakalipas pero mahal pa rin ang bigas, may kumalos kaya sa Rice Tariff Law, o sa tingin nila eh hindi pa puno ang salop para ito kalusin? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.