Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Anyare sa Bayanihan fund?

0 254

Determinado ang grupo ni dating Speaker Alan Cayetano na maipaabot ang tamang ayuda sa mga kababayan nating lalo pang naghihirap habang tumatagal ang pandemya. Pero nais ng grupo ni Cayetano na itama ang mga mali sa naunang mga pondong inilabas upang matiyak na ang mga susunod na pondo ay tunay na makakarating sa nangangailangan at tunay na magagamit ayon sa pinaglaanan.

Nasa tamang direksyon nga ang grupo ni dating Speaker Alan Cayetano sa kanilang ipinupursigeng “BTS” o Back To Service kung saan target nilang himayin kung paano ginamit ng pamahalaan ang pondong inilaan para sa pandemya. Ang magiging pokus ng imbestigasyon: hanapin ang mga mali para maitama!

Sa isasampang resolusyon ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista sa Kamara hihimayin at iimbestigahan kung paano ginastos ng gobyerno ang pondo ng Bayanihan 1 and 2. Nais kasi ni Cayetano na gamitin sa pagtalakay ng Kongreso sa panukalang Bayanihan 3 ang mga naging tama at maling hakbang sa pagpapatupad ng Bayanihan 1 and 2 na isinabatas sa ilalim ng kanyang liderato bilang Speaker of the House.

“Kung ano ang tama sa Byanihan 1 and 2 kailangan sa Bayanihan 3. Kung ano ang mali, dapat i-correct; kung anong hindi nilabas na pondo, dapat sagutin ng gobyerno bakit,” sabi ni Cayetano.

Kasama sa sisilipin ng dating speaker ang P4 bilyong pondo ng DepEd sa ilalim ng Bayanihan 2 na inilaan sana bilang pambili ng mga tablet at laptop ng mga estudyante na nasa ilalim ng online learning dahil mahigit walong buwan nang naisabatas ang Bayanihan 2 ay wala kahit anino ng tablet at laptop. Anyare naman teh?

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kakalkalin din ang P23 bilyong pondo na inilaan sa mga pamilyang Pilipino nitong nagdaang NCR plus bubble bago nag anunsyo ng ECQ ang palasyo at aalamin kung nagamit ba ang pondong inilaan para sa pagkuha ng 50,000 contact tracers para mapadali ang identification ng mga taong posibleng nahawaan ng COVID-19.

Pero hindi naman paghahanap lamang ng sagot ang ginagawa ng grupo ni Cayetano dahil kumikilos din ang mga ito para tiyakin na ang ibang kababayan natin ay nabibigyan ng tulong sa pondong galing sa kanilang sariling pagsisikap.

Muling magbibigay ng P10K ayuda ang grupo ni Cayetano sa mahigit 200 benepisyaryo sa iba’t ibang panig ng bansa sa Sabado May 1, Labor Day. Isasagawa ito sa pamamagitan ng isang virtual activity na pangungunahan ni Cayetano at lalahukan ng Ormoc City, Camarines Sur, Batangas, Laguna, Cavite, Bulacan, Rizal at iba’t ibang lugar sa Kalakhang Maynila.

Hanggang ngayon kasi ay hindi pa gumugulong at hindi pa dinidinig sa Kamara ang P10K Ayuda Bill na isinampa ni Cayetano at ng kanyang mga kaalyadong kongresista. Kaya naman nagsisikap ang kanyang grupo na maabutan na ng P10K ayuda ang ilang naghihikahos nating kababayan. Kung hindi kasi gagawin ang pagtulong na ito, baka ang mangyari sa P10K Ayuda ay maging masyado nang huli para sa mga dukha.

Habang tumatagal ang pandemyang ito, habang parami pa ang nawawalan ng trabaho, dumarami rin ang naghihirap at nagututom. Kung patuloy na ibibitin ang mga kinakailangang ayuda, hindi kaya isang araw ay sabihin ng mga taong naghihintay nito ang kasabihang: “Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?”

Leave A Reply

Your email address will not be published.