Abante Tonite Interactive

Anyare sa Quezon Ave?

277

AYOS BAS?
Carlito Evangelista

Imbiyerna na nga ay lalo pang maiimbiyerna ang mga motorista sa matinding trapik buhat sa kanilang mga pinanggalingang patungo sa mga pinagtatrabahuan dito sa National Capital Region (NCR).

Paano ba naman kasi, wala namang problema sa sistema ng trapiko sa kahabaan ng Quezon Avenue sa pagitan ng EDSA at Timog-West intersection ay may kung sino pang nagpasikat na sumablay naman.

Dati kasi ay iisa lang ang traffic light mula pagitan ng mga naturang lansangan pero maayos naman ang daloy ng mga sa­sakyan.

Pero sa hindi malamang dahilan, biglang nabago ang situwasyon dahil biglang nagkaroon pa ng karagdagang dalawang bagong traffic light sa lugar na nabanggit.

Hindi makumpirma kung ang Quezon City local government ba o ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nagpakabit sa mga nabanggit na traffic light.

Sa mga tanong kasi sa Twitter account ng MMDA ay deadma lamang ang mga mga tagasagot ng mga ito.

Hindi rin nagasabi ang QC gov’t na sila ang nagpakabit ng mga ito.

Noong unang araw na pinagana ang mga nabanggit na traffic light ay hindi naman masyadong naging masama ang epekto sa daloy ng mga sasakyan.

Pero habang tumatagal, humahaba ang oras ng paglalakbay bago malagpasan ang panulukan ng Timog-West at Quezon Avenue lalo sa umaga.

Parang hindi pinag-isipan ang pagkabit sa ma ito dahil maayos naman gumagana ang mga U-turn slots sa lugar.

Ayos sana kung magpapaliwanag ang MMDA o kaya ang QC local government.