Abante Tonite
Mabilis sa Balita

April Boy 12 beses tinangkang buhayin

0 963

Pumanaw na kahapon nang alas tres nang madaling-araw ang Jukebox Idol na si April “Boy” Regino sa edad na limampu’t siyam.

Iniwan ng matagumpay na singer ang kanyang misis na si Madel de Leon-Regino at ang kanilang mga anak na sina JC at Charmaine na nasa Amerika ngayon kasama ang pamilya nito.

Acute respiratory disease-kidney disease stage 5 ang dahilan ng kanyang pagyao, itinakbo si April Boy ng kanyang misis at anak na si JC sa Metro Hospital sa Antipolo nu’ng Sabado nang hapon dahil sa hirap sa paghinga, isang emergency dialysis ang kailangang gawin dahil sobrang taas na ang kanyang creatinine.

Kuwento ng kanyang misis na si Madel, “Ang palagi niyang sinasabi sa akin, ang kalooban ng Diyos ang magaganap. Napakatindi ng pananampalataya niya nitong mga huling taon na maysakit na siya.

“Naligtasan niya ang prostate cancer nu’ng 2008, nasa Amerika pa kami nu’n, umayos ang kundisyon niya. Pumipila kami nu’n sa ospital sa Amerika para sa pagpapa-check-up niya.
“Nandu’n na kami nang madaling-araw, nakapila kami, napakaginaw, pero tinitiis namin ‘yun. Hanggang sa umuwi na nga kami dito at nakakapag-show pa siya,” pag-alala ni Madel.

Maraming pinagdaanang paghamon ang tinaguriang Jukebox Idol, nu’ng gumaling na ang kanyang prostate cancer ay tumindi naman ang kanyang diabetes, sa kanyang pagpanaw ay umabot sa 854 ang taas ng kanyang creatinine.

“Ang palagi po niyang sinasabi sa amin ng mga anak niya, ‘Pinagaling ako nu’n ng Panginoon, pagagalingin Niya pa rin ako ngayon.’ Puro ang pananalig po sa Diyos ang sinasabi niya kahit alam kong hirap na hirap na siya.

“Ako na po ang naging tungkod niya nang tatlong taon. Hindi na po kasi siya nakakakita, gumanda man ang vision niya paminsan-minsan, nakakabanaag lang siya nang konti.
“Di po ba, ikinukuwento niya sa inyo na kailangang itim ang pinggan niya kapag kumakain siya para nakikita niya ang laman ng plato?

“Hanggang sa nu’ng 2015, hiniling niya sa akin na putulan ko ang buhok niya dahil nahihirapan na siya. Alam po natin kung gaano niya kamahal ang mahaba niyang buhok.
“Tatak po niya ‘yun, packaging niya, pero iyak ako nang iyak nu’ng sabihin niyang magpapaputol na siya ng buhok dahil hirap na hirap na siya,” humahagulgol na pag-alala ni Madel.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa mga huling sandali ng buhay ng Jukebox Idol ay palagi niyang ihinahabilin kay Madel ang kanilang mga anak at apo.

“Palagi po niyang ihinahabilin sa akin sina JC at Charmaine, saka ang apo namin. Pero sabi niya, hindi siya pababayaan ng Panginoon. Pagagalingin pa rin siya.

“Dapat po, e, gagawin na nang ala una nang madaling-araw ang emergency dialysis niya, pero habang naghihintay kami, nakita ko na po ang matinding paghihirap ni April.

“Lumalabas na po ang dila niya, hirap na hirap siyang huminga, hanggang sa i-revive po siya ng mga doktor. Ten times lang dapat, pero sabi ko, gawin pa naming twelve, baka sakaling mabuhay pa siya. Pero talagang hanggang du’n na lang po ang buhay niya. Wala na po si April,” humahagulgol na kuwento ng una at huling pag-ibig ng Jukebox Idol.

Poste ng mundo ng musika si April “Boy” Regino, hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino ang mga pinasikat niyang piyesang “Di Ko Kayang Tanggapin,” “Umiiyak Ang Puso,” “Paano Ang Puso Ko,” “Esperanza,” “Yeye Bonel,” “Di Na Ako Iibig Pang Muli,” “Kahapong Nagdaan,” “Tanging Hiling” at marami pang iba.

Regino Ibuburol sa Idol Star

Pandemya ngayon, susunod ang pamilya ng namayapang Jukebox Idol sa mga health protocol, pero kailangang ibigay ni Madel at ng kanilang mga anak ang hiling ni April Boy.

“Sa Idol Star po namin siya ibuburol, malapit lang po sa bahay namin sa M.H. Del Pilar sa Calumpang, Marikina. Para naman po madalaw siya sa huling pagkakataon ng mga kasamahan at kaibigan niya at ng mga supporters niya na hindi bumitiw sa kanya hanggang sa huli,” impormasyon ng nagluluksang si Madel de Leon-Regino.

Paalam sa Jukebox Idol na nagbigay ng kaligayahan sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng kanyang mga walang kamatayang awitin.

Mapayapang biyahe, Jukebox Idol, April “Boy” Regino….

Leave A Reply

Your email address will not be published.