Abante Tonite Interactive

Aquino hinubaran si Bordeos

325

Hinubaran ni Scratch It rider Jerry Aquino Jr. ng simbolikong red jersey si Mark Julius Bordeos ng Bicyco­logy Shop-Army matapos sikwatin ang Stage 3 ng 10th LBC Ronda Pilipinas 2020 kahapon na nagsimula sa Legaspi City at natapos sa Panganiban Drive grounds ng Naga City.

Nirehistro ni Aquino, 27, at taga-Makati, ang dalawang oras 47 minuto 12 segundo sa 119 kilometer race at dahil sa 10 second time bonus ay inagaw ang overall individual classification kay Stage 1 winner at two-day leader Bordeos.

Aniya, matagal na niyang pangarap na magsuot ng red jersey sa Ronda kaya naman tuwang-tuwa siya nang maungusan si Bordeos at maisakatuparan ang pa­ngarap sa unang pagbibihis ng pulang kamiseta sa aggregate 9 hrs., 43 mins. at secs.

“Matagal kong hinintay ang pagkakataong ito na maisuot ang red jersey, first time ko ito kaya masaya po ako,” hayag ni Aquino na ikalawang henerasyong siklista. Beterano ang ama niyang si Jerry Sr. ng Marlboro Tour.

Isusuot ni Aquino ang LBC red jersey pag­larga ng 206km Stage Four ngayong araw, ang pinakamahabang karera sa 10 stage race na magsisimula sa Daet, Camarines Norte at aabot sa Lucena sa bikathon na hatid ng LBC at mga inisponsoran ng Manny V. Pangilinan Sports Foundation, Versa, 8A Performance, Print2Go, Petron, Green Planet, Bike Xtreme, Standard Insurance, Spyder, CCN, Lightwater, Prolite, Guerciotti, Black Mamba, Boy Kanin, Vitamin Boost, NLEX-SCTEX, Maynilad, 3Q Sports Event Management Inc., LBC Foundation at PhilCycling.

Nakipagtagisan siya ng bilis sa huling 100 metro ng laban sa sumegundong si Ronnel Hualda ng Go For Gold, tumerserong si Dominic Perez ng Army, at pumang-apat na si Aidan James Mendoza ng 7Eleven Cliqq-Air21 by Roadbike Philippines.

Lumagpak sa second ng IC si Bordeos, nasa pangatlong puwesto si George Oconer ng Navy, pang-apat si Rustom Lim habang si former champion Mark Galedo ay naka-upo sa pang-limang puwesto.

Samantala, nagunguna pa rin sa overall team classification ang 7Eleven Cliqq-Air21 na may 36 oras, walong minuto at 59 segundo, pangalawa ang Navy habang tersero ang Army. (Elech Dawa)