Abante Tonite Interactive

Ara nagda-diet para sa kasal next year

840

Parang nagbalik ang pagiging Millennium Sex Goddess ni Ara Mina habang kinukunan namin siya ng pictures nang naka-swimsuit sa Long Beach ng San Vicente sa Palawan.

Hindi pinayagan ng Coast Guard ang grupo namin na mag-island hopping nu’ng umaga ng Miyerkoles due to bad weather, kaya nag-pose at nag-project-project na lang sa kamera si Ara habang nagtatampisaw sa dagat.

In fairness ay nabawasan ang timbang ng aktres at may kurba siya ngayon dahil sa Nutrigenomics diet na 2 months na niyang ginagawa.

Mga 6 to 8 months pa raw ay magiging pak na pak na ang katawan niya. In 2 months ay 3 kgs. (o mga 7 lbs.) ang nawala sa kanya.

Meron siyang list of food na dapat niyang kainin at dapat iwasan. Bawal ang pork, so 2 months na siyang hindi kumakain ng baboy kahit paborito niya ang lechon. Bawal din ang lahat ng klase ng rice.

Okey raw ito kumpara sa ibang mga naging diet niya dahil hindi siya nahihilo at hindi siya nanghihina.

Nag-40-anyos si Ara nu’ng May 9, so gusto raw niyang maging mas fit and healthy. Hindi lang daw ito diet kundi lifestyle na, para makaiwas din siya sa mga sakit.

Hindi raw peg ni Ara ang kapayatan ng younger sister niyang si Cristine Reyes dahil hindi raw bagay sa kanya ang gano’n. Nagiging Babalina raw siya ‘pag sobrang payat. Ang gusto niya ay yummylicious ang peg.

Biro ni Ara, kaya siya nagda-diet ay dahil pinaghahandaan niya ang wedding niya next year. Natawa siya dahil wala siyang karelasyon ngayon.
Ang plano niya raw ay maghanap ng boyfriend this year at next year ay kasalan na.

Meron ba siyang bini-beat na deadline? Bakit next year na agad ang kasal?
“Lagi ko namang sinasabing next year, umabot na tayo ng 2019! Ha! Ha! Ha! Stay positive,” natatawang sagot ni Hazel.

Nagdi-date naman daw siya, pero ang ipapakilala niya raw sa daughter niyang si Mandy ay ‘yun na ang lalaking pakakasalan niya.

Hindi raw dapat maguluhan ang bagets na ang dami niyang pinapakilala rito.

Ang gusto raw ni Ara sa lalaki ay ‘yung mamahalin siya at aalagaan silang dalawa ng anak niyang si Mandy. Hindi na raw taga-showbiz para tahimik.
As of now ay wala pa siyang napi-feel na spark o fireworks with any guy na nami-meet niya, pero fee-ling niya raw ay malapit na ‘yon.

Gaya namin ay first time din ni Ara sa San Vicente na isang emer-ging destination ngayon sa Palawan at napuntahan namin sa imbitasyon ng SkyJet Airlines na nagkaroon ng inaugural flight from Manila direct to San Vicente last Tuesday morning, July 16.

‘Yung pinuntahan naming Long Beach (14.7 km) ang longest beach in the Philippines and second longest in Southeast Asia.

Ang San Vicente ang top travel destination ngayon sa Palawan kaya malaking bagay na meron nang regular direct flights from Manila 4X a week (except Tuesday, Thursday and Saturday) dahil sa SkyJet Airlines (dating Asian Spirit).

50 minutes lang ang biyahe from Manila to San Vicente, na suportado ng Department of Tourism ang ginagawang development kaya hindi kataka-taka kung maging mahigpit na kakumpetensiya ito ng Boracay in the coming years.

Derek may beach house sa SanVic

Isa sa local celebs na may sariling property sa San Vicente ay si Derek Ramsay na 2013 pa ipinatayo ang kanyang beach house doon.

Hindi namin nabisita ang bonggang glass and steel beachside home ni Derek, na gandang-ganda kami nang makita namin sa house feature noon ng YES! magazine.

Ang Italian boyfriend at ngayon ay fiancé na ng gumaganap na sister ni Derek sa “The Better Woman” na si Ina Feleo ay may itinayong resto business doon din sa SanVic.

Panay ang imbita sa amin ni James Gerva na tikman ang authentic Italian dishes nila sa Marina Terrace, sayang at hindi kinaya ng sked namin.

Nu’ng Martes na nandu’n kami sa Palawan ay masayang in-announce ni Ina sa Instagram na engaged na sila ng kanyang Venetian boyfie at hindi na raw siya tatandang dalaga.

2 years na ang relasyon ng 32-anyos na si Ina at ng 36-anyos na si James, na nagkakilala sa Venice nu’ng 2015.

Ang sabi sa amin ng Kapuso actress ay February 2021 ang target nilang taon to get married dahil maganda ang season dito sa ‘Pinas at perfect time for the Italians na dadalo sa kasal, na malamang ay sa Palawan nila gawin.

Halos dito na ang tahanan ni James at dumadalaw-dalaw na lang ito sa Italy. Aside from Marina Terrace ay may mga iba pang negosyong binabalak itayo si James and his friends na sobrang nainlab na sa Pilipinas.

Suportado ng mom niyang si Direk Laurice Guillen ang love life ni Ina at boto ito kay James for her youngest daughter.

Congrats on your engagement, Ina & James!!