Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aral sa kuwento ng nanay ni Ping

0 175

Mula sa aking nakagawiang pagtutok sa mga lansangan at mga sasakyan ay medyo mas lalawakan ko pa po ang aking mga ibabahagi sa inyo umpisa sa edisyon na ito upang higit na sumigla ang ating paglalahad ng impormasyon na maari niyong baunin sa araw-araw na pakikisalamuha sa buhay.

At bilang ngayong buwan ng Marso ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng mga Kababaihan, minarapat kong magsiwalat ng totoong pangyayari, kung saan ay nagkaroon ng malaking papel ang isang babae para sa diretso at walang panlalamang na panuntunan ng isang lalaki sa direksiyon niya sa buhay personal man o pagganap sa tungkulin.

Ang tinutukoy ko po dito ay ang kuwentong ibinahagi ni Senador at dating Philippine National Police (PNP) Chief Panfilo Lacson sa isang graduation event, kung saan, siya ay naimbitahan bilang guest speaker.

Sa kuwento ng senador, may isang pangyayari daw na hindi niya malilimutan na noong maliit pa siya ay minsang umuwi na tuwang-tuwa ang kanyang kapatid dahil nakapulot ito ng pera habang naglalakad pauwi galing sa eskuwelahan.

Nang malaman daw ng kanilang ina ang na nakapulot ng pera ang kanyang kapatid ay agad itong kinausap at sinabing hanapin agad kinabukasan sa pagbalik sa eskuwela ang nagmamay-ari ng pera at isauli ito.

“Siguradong balisang-balisa ang may ari ng perang ‘yan. Bukas na bukas din, pagpasok mo sa eskuwela, hanapin mong pilit ang may-ari ng perang ‘yan at ibalik mo sa kanya” pagbabalik-tanaw pa ni Senador Lacson sa tinuran ng kanyang ina sa kapatid na nakapulot ng pera.

Mula nang masaksihan ang pangyayari ay naging dagdag na batayan na ito ng mambabatas para sa disiplina sa sarili at patakaran sa buhay na may kaakibat na katapatan magpahanggang sa kasalukuyan.

Ibinabahagi ko po ang kuwentong ‘yan sa inyo bilang kontribusyon sa pagdiriwang ng buong mundo sa ‘Buwan ng mga Kababaihan’ dahil talaga namang hindi matatawaran ang kanilang papel, lalo na ang mga nanay, upang marating natin, nating mga kalalakihan ang ating mga kinaroroonan sa ngayon.

Ang tanong nga lamang ay kung ilan pa sa atin, at sa ating mga lider ang bumabatay sa mga payo at paalala ng kanilang mga nanay sa araw-araw na pakikisalamuha at pagganap sa tungkulin at mga responsibilidad na nakaatang sa ating mga balikat.

Mahalaga ang mga kababaihan, mahalaga ang ating mga nanay, kaya lagi nating isaalang-alang ang kanilang mga gabay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.