Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Araneta nilusob sa bakuna fake news

0 303

Dumagsa kahapon ang mga nais maturukan ng COVID-19 vaccine sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City kahit pa hindi tumatanggap ng walk-in ang nasabing vaccination center.

Binanggit ng mga magpapabakuna na nakakita umano sila ng isang Facebook post na nagsasaad na pinapayagan na ang walk-in vaccination sa Smart Araneta Coliseum.

Pinabulaanan ito ng Lokal na Pamahalaan ng Quezon City at giniit na dapat ay nakapagparehistro muna bago maturukan ng bakuna.

“Akala nila, puwedeng pumunta as walk-in, mababakunahan ka na. Marami ang bumalik at maraming hindi nabakunahan,” ayon kay Sonny Cancio, ang team leader ng QC Task Force Disiplina.

Napauwi rin sa huli ng mga awtoridad ang mga nabiktima ng fake news sa pabakuna.

Matatandaang bisperas ng enhanced community quarantine (ECQ) ay dumagsa rin ang mga nais paturok sa mga vaccination center sa ilang lugar sa National Capital Region katulad sa Maynila. Ito’y dahil din sa fake news na hindi umano papayagang lumabas o hindi bibigyan ng ayuda ang mga hindi pa bakunado sa panahon ng pagpapatupad ng ECQ.

Dahil dito, pinasisiyasat na at pananagutin umano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga nagpapakalat ng fake news tungkol sa bakunahan laban sa coronavirus.

“Ito ay parang trend, nangyari na noong isang araw, then today. Heto na naman tayo. Ang panawagan ko lang, huwag basta-bastang maniniwala. Kontakin ang LGU ninyo,” ayon kay MMDA Chairman Benhur Abalos. (Riley Cea)

Leave A Reply

Your email address will not be published.