Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Araw ng Kalayaan para sa mga Pilipino

0 104

Ipinagdiwang ng sambayanang Pilipino ngayong Sabado ang ika-123rd anniversary ng Independence Day o araw ng kalayaan sa kabila ng dinaranas na epekto ng COVID-19.

Ito ang ikalawang taon na naging kakaiba ang paraan nang pagselebra ng Independence Day dahil sa mahigpit na pagsunod sa basic health protocols at limitado ang galaw ng bawat opisyal ng gobyerno na dumalo sa mga aktibidad.

Malayong-malayo ito sa nakagawian at nakagisnan ng mga Pilipino na mga aktibidad at mga parada bilang selebrasyon sa ipinaglabang kalayaan ng mga bayani ng bansa.

Pero sa kabila nito ay nakaukit sa mga Pilipino, lalo na sa mga nagkaroon na ng isip limang dekada na ang nakaraan kung ano ang tunay na kahulugan ng kalayaan o kasarinlan ng bansa.

Sa mga panahong iyon kasi ay mayroon pang asignatura ng kasaysayan ng Pilipinas o Philippine History na itinuturo sa mga estudyante sa elementarya at high school.

Sa mga panahong ito ay wala na ang ganitong aralin, kaya malamang sa hindi ay hindi na masyadong tumatak sa isipan ng mga millenial ang mga ipinaglaban at sakripisyo ng mga bayani ng bansa.

Kasabay ng pagbabago ng panahon ay nadadagdagan ang mga kinikilalang bayani hindi dahil nakipaglaban din sila sa mga mananakop kundi sa ibang mga pamamaraan para tulungan at proteksiyonan ang sambayanan.

Iba-ibang uri ng kabayanihan ang ipinamalas ng ating mga kapwa Pilipino para sa bansa at sa kapwa, kaakibat ang sakripisyo at lakas ng loob para sa makabuluhang layunin.

SM food to go Banner Ad

Kabilang dito ang sakripisyo para makalaya sa kahirapan, kagutuman at maiangat ang antas ng kabuhayan ng bansa sa pamamagitan ng sakripisyo at pagtatrabaho sa ibang bansa.

Nariyan din ang mga tinaguriang modern-day heroes gaya ng medical frontliners na ngayon ay lumalaban at nakikipaghamok sa hindi nakikitang kalaban para mapalaya ang mga nagdurusang Pilipino sa COVID-19.

Bayani rin ang mga economic frontliner dahil kung hindi sa kanila malamang lugmok na lugmok na ang ekonomiya at nagsara na ang maraming negosyo sa bansa.

Oo nga at marami ang hirap na hirap ngayon dahil sa pandemya pero mas marami ang mga kababayan natin na hindi sumusuko at pilit na nagpapakatatag para sa kanilang pamilya. Ang ganitong sakripisyo ay isang uri ng kabayanihan para makalaya ang pamilya sa kagutuman.

Ikaw, ano ang kalayaan para sa iyo? Kung mayroon kang kinikimkim sa iyong puso at nagpapabigat sa iyong damdamin, mas mainam na ilabas mo para makalaya ka .

Ang kalayaan ay hindi lamang pagmamahal at sakripisyo para sa bayan kundi pagmamahal din ito sa sarili para sa mas magaan at mapanatag na buhay.

Maligayang Araw ng Kalayaan!

Leave A Reply

Your email address will not be published.