Abante Tonite Interactive

Architect dedbol sa elevator

Napagkamalang comfort room

318

Kamatayan ang kinahantu­ngan ng isang arkitekto makaraang mahulog sa elevator shaft ng Cyberpark Tower sa Araneta Center, Cubao, Quezon City.

Kinilala ang biktima na si Michael Hernaez Alfonso, 37, may asawa, ng 15th Avenue, Brgy. San Roque, Cubao, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, naganap ang aksidente alas-9:10 Sabado nang gabi sa ikalawang palapag ng gusali na pag-aari ng Araneta Group.

Katatapos lamang umanong mag-gym ni Alfonso kasama ang kanyang kaibigan na si Gerald Ezra Mondia sa Anytime Fitness Gym na matatagpuan sa loob ikalawang palapag ng Cyberpark building.

Naghanap umano ng comfort room ang biktima at nakita ang isang pinto. Dahil sa pag-aakala na palikuran ang kanyang nabuksan, agad pumasok si Alfonso na nagresulta sa pagbulusok nito sa lower ground.

Isinugod ang biktima sa World Citi Medical Center subalit binawian ng buhay alas-11:50 nang gabi sanhi ng pagkabasag ng bungo at pagkabali ng buto sa kaliwang braso

Wala umanong nakalagay na safety warning sign sa lugar at mukha lamang umanong odinaryong pinto ng palikuran ang elevator shaft na kinabagsakan ng biktima.

Sa inilabas namang pahayag ng pamunuan ng Cyberpark, nakiramay ito sa pamilya ng biktima at magbibigay ito ng tulong sa mga naiwan nito. Paliwanag ng pamunuan, nangyari ang insidente kung kailan halos sarado na ang mga establisimyento sa palapag kung saan naaksidente ang biktima at madilim na umano ang lugar.

Magsasagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang Cyberpark management kaugnay ng insidente.