Abante Tonite Interactive

Ariana ngumalngal sa show

0 328

Nagpaliwanag si Ariana Grande sa kanyang mga fan sa tunay na dahilan ng kanyang pag-iyak sa kalagitnaan ng pagtatanghal nito sa Estados Unidos noong weekend. Napansin kasi ng mga fan na napa­luha na lamang ito habang inaawit ang kantang “REM” mula sa kanyang Sweetener album sa Enterprise Center sa St. Louis, Missouri. Naging emotional siya habang ina­awit ang kanta na may lyrics na, “Before you speak, don’t move / ‘Cause I don’t wanna wake up.”

Aminado ang sikat na mang-aawit na nahihirapan siyang balansehin ang kanyang personal at propesyunal na buhay.

Sa kan­yang Twitter post na burado na ngayon, sinabi niyang: “I feel everything very intensely and have committed to doing this tour during a time in my life when I’m still processing a lot…..So sometimes I cry a lot!”

Nais ipabatid ni Grande sa kanyang mga fan na hindi sila nag-iisa sa pinagdaraanan nilang mga problema. Ang breakdown na ito ng 26-year-old singer sa entablado ay nangyari dahil sa bigat na pinagdaanan at naranasan nito sa loob ng dalawang taon.

Matatandaang naiulat noong Mayo 2017, 22-katao ang namatay matapos ang suicide bombing sa kanyang concert sa Manchester, United Kingdom. Aminado rin si Grande na nakaranas ito ng post-traumatic stress disorder mula nang mangyari ang trahedya.

Nito namang 2018, labis na dinamdam ni Grande ang pagpanaw ni Aretha Franklin na isa sa malapit niyang kaibigan at ng kanyang ex-boyfriend na si Mac Miller, na namatay dahil sa drug overdose. (Lour­des Fabian)