Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Army sinita sa kambing, namaril ng mag-asawa

0 108

Patay ang isang ginang habang nasa kritikal na kondisyon ang asawa nito matapos silang pagbabarilin ng isang retiradong sundalo matapos magtalo nitong Huwebes hinggil sa kambing na palaging kumakain ng tanim na gulay ng mga biktima sa Zamboanga City.
Binawian ng buhay nitong Sabado, matapos ang dalawang araw na pagkakaratay sa ospital dahil sa tinamong anim na tama ng bala sa katawan, ang ginang na nakilalang si Maria Corazon Bernardo Antonio, 34-anyos, habang patuloy pa ring nasa kritikal na kondisyon ang asawa nitong si Joseph Delos Santos Antonio, 37, parehong residente ng Zone 4, Lambang, Barangay Dulian ng nabatid na lungsod.
Samantala, nadakip naman sa isinagawang operasyon ng pulisya ang suspek na si Rozalino Epat Garig, 67, retiradong miyembro ng Philippine Army at kapitbahay ng mga biktima.
Ayon kay Police Major Albin Cabayacruz, hepe ng Zamboanga City Police Station 7, dakong alas-10:00 ng umaga, Hunyo 24, nang sugurin ng suspek ang bahay ng mag-asawa matapos itong ireklamo dahil sa madalas na pagpapakawala nito ng alagang kambing na kinakain naman ang mga tanim na gulay ng mga Antonio.
Nabatid na nauwi sa mainitang pagtatalo ang usapan ng suspek at mga biktima dahilan upang hugutin ng nauna ang kanyang baril at pagbabarilin ang walang kalaban-labang mag-asawa.
Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek subalit nadakip din siya ng mga rumespondeng pulisya habang ang mag-asawa naman ay dinala sa pagamutan kung saan naging kritikal ang mga ito hanggang sa pumanaw na ang ginang.
Nakakulong ngayon si Garig sa Zamboanga City detention cell habang inihahanda ang kasong murder at frustrated murder laban sa kanya. (Edwin Balasa)

SM SuperKidsDay Banner Ad

Leave A Reply

Your email address will not be published.