Abante Tonite Interactive

Arroyo, Alvarez diniin sa power crisis

988

Noon pang 2017 pinaiimbes­tigahan ng isang militanteng mambabatas ang isyu sa sunod-sunod na pagsa-shutdown ng mga planta ng kuryente pero walang aksyon na ginawa dito si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ganundin ang pumalit sa kanya na si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, halos dalawang taon na ang na­kalipas pero hindi naman umusad ang hiniling nilang imbestigasyon tapos ngayon ay naulit ang senaryo sa mga planta ng kuryente.
“In 2017 we filed House Resolution (HR) No. 928 to investigate the simultaneous shutdowns of 20 power plants that again spiked power rates.
Inupuan lang nila ang resolusyong ito pero sana ngayon ay i-fast track na at kagyat na magpatawag ng hearing ang pamunuan ng Kongreso,” giit ni Zarate.

Nakasaad sa HR 928 ang hirit ng kongresista sa House committee on energy na magsagawa ng imbestigasyon para sa kaukulang pagpapasa ng batas tungkol sa pangkalahatang sitwasyon ng mga planta ng kuryente sa Luzon grid.

Noon pa ibinabala ni Zarate na magdudulot ng pagtaas ng singil sa kuryente ang shutdown ng mga power plant at dehado aniya ang mga consumer sa ganitong eksena.

Kaya binigyang-diin nito na kailangang maisulong ang mga reporma at pro-people measure upang maproteksyonan ang mga consumer sa pagsasabwatan at pagmamanipula ng mga kompanya ng kuryente para mapataas ang kanilang singil.

“Since the advent of EPIRA (Electric Power Industry Reform Act), the power oligarchs have been ‘electrocuting’ hapless consumers with the unbridled and non-stop rise in the cost of electricity through collusion and market manipulation… and, for decades, too, our regulators are also held captive by these power players,” ayon pa kay Zarate.

Kinuwestiyon ni Zarate kung bakit nagkakaroon ng power plant shutdown kung kailan mataas ang demand sa kuryente kapag sasapit ang tag-init bagay na hindi aniya masisisi ang mga consumer na mag-isip na niluluto ito para tumaas ang singil sa kuryente. (Aries Cano)