Abante Tonite Interactive

Arson attack gawain ng kriminal

0 129

Kinondena ni Senador Francis ‘Kiko’ Pa­ngilinan ang pag-atake at pag-sunog sa planta ng pahayagang Abante at Abante Tonite sa Parañaque City, Lunes nang magaling-araw.

Ayon kay Pangilinan, ang pag-atake ay gawain ng isang kriminal at pagbusal din umano sa kalayaan sa pamamahayag.

“Maliwanag na gawain ng mga kriminal ang panununog sa warehouse ng pahayagang Abante. Ito ay tahasang pag-atake at tangkang pagbusal sa kalayaan sa pamamahayag,” sabi ni Pangilinan.

“Mariin nating kinukundena ang lahat ng paraan ng panggigipit sa media. Nananawagan tayo ng agarang paglutas sa kasong ito sa ngalan ng buhay at matingkad na freedom of the press,” dagdag nito.

Samantala, kinondena ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang ginawang pag-atake sa printing press ng Abante noong Lunes, September 9 sa Parañaque City.

“Ang pag-atake sa printing press ng Abante tabloid noong Lunes ay isang malinaw na direktang pag-atake sa ating kalayaan sa pamamahayag at lantarang pagpigil at pagpatay ng katotohanan. Kung kaya’t kabilang ang labor group Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa mga kumukondena sa pag-atake na ito,” sabi ni TUCP spokesperson Alan Tanjusay. (Dindo Matining/Dolly Cabreza)