Abante Tonite Interactive

Arwind: Magulo ang last play ni coach!

376

kasalanan ni leo

Sa final seconds ng laro at naghahabol ng dalawa ang San Miguel Beer, pumunta si coach Leo Austria sa bete­rano niyang si Arwind Santos.

Pero nangapa si Santos nang pumito na resumption ng play ang referee.

‘Di kabisado ng 38-anyos na forward ang play na krinokis ni Austria.

Siyam na segundo ang natapyas sa orasan bago bumitaw ng 3-pointer si Chris Ross pero sumablay 2 seconds na lang ang naiwan. Dinamba ni Greg Slaughter ang defensive rebound, nakabingwit ng foul si LA Tenorio at ipinasok ang isang free throw.

Naselyuhan ang 110-107 overtime win ng Ginebra.

Tapos ang breakthrough win, napigil sa 1-3 ang Beermen. Angat sa even 3-3 ang Gin Kings.

Nang maka-steal si Marcio Lassiter, tumawag ng timeout si Austria 11 seconds na lang. Nagdisenyo ang coach ng last play para sa crew na inakala ni Santos ay kabibilangan ni Christian Standhardinger. Nasa labas noon ang Spider-Man.

Pero pabalik ng court ang Beermen, tinawag ni Austria si Santos para palitan si Standhardinger.

“Nagulat talaga ako ‘nung last play kasi, unang-una, ‘di ko alam ‘yung play. Kasi alam ko tatapusin na ni Christian ‘yun,” ani Santos.

Bad decision para kay Austria, dahil krusyal ang play at ‘di alam ng forward ang takbo.

Nasa bench si Santos sa buong se­cond half, ‘di niya inaasahang tatawagin pa ang kanyang numero.

“Dapat kung gusto niya ako ipasok, ‘dun pa lang sa play, sinulat na niya ‘yun para at least alam ko na ‘yung gagawin ko,” dagdag ni Santos,
naglarong may benda ang dalawang daliri sa kaliwang kamay. “At alam na rin ng bawat isa. Kahit ‘yung ibang teammates ko naguluhan eh. Tingin ko ‘dun, sayang.”

Nagkaroon ng minor finger injury si Santos at Sabado lang nakapag-ensayo.(Vladi Eduarte)