Abante Tonite Interactive

ASF sa Mindanao

363

Hindi pa man ganap na natatapos ang pro­blema ng Luzon sa African Swine Fever (ASF), ang mga nag-aalaga naman ngayon ng mga baboy sa Mindanao ang kakaba-kaba dahil nakarating na sa kanila ang virus na pumapatay sa mga baboy.

Pero bago ‘yan, ­hindi maiwasan ng ilan nating tsokaran ang malungkot sa naging reaksyon ng ilang ­Pinoy tungkol sa planong pagtatayo ng quarantine zone para sa mga kababayan nating babalik ng bansa mula sa China, na pinanggalingan ng COVID-19.

May mga tutol kasi na sa kanilang lugar ilagay ang quarantine zone kahit malayo naman sa mga kabaha­yan tulad ng Athletes’ village sa New Clark City sa Capas, Tarlac. Pangamba nila, baka kumalat ang virus at makahawa ng mga tao. Gayung sa totoo lang, hindi pa naman tiyak kung infected nga ng virus ang mga uuwi nating kababayan.

Ang paglalagay sa kanila sa quarantine zone ay para masubaybayang mabuti kung infected sila o hindi. At kung infected, ililipat sila sa mas secure na area para gamutin. Bukod doon, ipinaliwanag din naman ng mga opisyal ng Department of Health na hindi ­tinatangay ng hangin ang virus at sa halip ay naipapasa ito sa laway o bahing. Ibig sabihin, kung hindi ka malapit sa infected na tao hindi ka mahahawahan.

Nakakalungkot nga naman na sa harap ng mga puna na pinandidirihan at nakakaranas ng diskriminasyon ang mga Chinese, tila ganundin ang nararanasan ng ilang Pinoy sa mismong kababayan pa nila. Eh saan kaya nila gustong ilagay ang mga ika-quarantine –sa ­volcano island sa Taal?

Kaya naman hindi kataka-taka na marami ang natuwa at huma­nga sa mga taga-San Andres sa Calatrava, Romblon, nang magpakita sila ng malasakit sa mga Chinese na naka-quarantine roon ng ilang araw. Aba’y sino pa ba ­naman ang magdadamayan sa panahong ito ng krisis? Alangan naman si Batman?

Balik tayo sa ­usapang baboy. Dapat sigurong ipatawag ng mga mambabatas si Agriculture Sec. William Dar at hingan ng malinaw na ulat tungkol sa kalagayan ng problema natin sa ASF, na nakarating na sa Mindanao —partikular sa Davao Occidental. At batay sa ilang ulat, mayroon na ring ASF sa ilang barangay sa Davao City.

Para mapigil ang pagkalat pa ng ASF, tinatayang aabot sa 5,000 hanggang 10,000 baboy sa ­naturang lalawigan sa Mindanao ang ­kakailanganin ­imasaker. But wait, alam ba ninyo na patuloy pa rin na nilala­banan sa ilang lalawigan sa Luzon ang ASF, na umabot na rin sa Bataan at Pangasinan? Ibig bang sabihin eh hindi pa talaga “kontrolado” ang ASF sa Luzon? At nagkaroon kaya ng ­kapabayaan kaya ­umabot ito sa ­Mindanao?

Kaya lang, ­hinihinala ng mga awtoridad na nakarating sa Min­danao ang ASF dahil sa “imported” na kaning-baboy na nanggaling daw sa Indonesia na may kaso rin ng ASF. Mas maganda bang dahilan ito kaysa sabihin na may karne ng baboy sa Luzon na ­kontaminado ng ASF na naipuslit sa ­Mindanao?

Kung sakali mang nagkaroon ng kapaba­yaan kaya nakalusot sa Mindanao ang ASF, dapat lalo pang higpitan ang pagbabantay sa mga ASF affected area para hindi na kumalat sa ibang lalawigan sa Mindanao, o tumawid pa sa Visayas region. At kapag nangyari ‘yun, may masisibak kaya? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”