Abante Tonite Interactive

Ash Wednesday: Sa noo o bumbunan?

442

Hati ang pananaw ng Simbahang Katolika kaugnay sa tradisyunal na pag­lalagay ng abo sa noo ng mga deboto sa darating na Ash Wednesday dahil sa pinangangambahang 2019 coronavirus disease (COVID-19).

Inihayag ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. na mananatili sa kanilang diocese ang nakaugaliang paraan ng pagpapahid ng abo sa noo sa mga mananamapalataya sa Diocese of Boac.

Nabatid na ang pag-iwas sa paglalagay ng abo sa noo ay isa sa karagdagang panuntunan na iminumungkahi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 sa paggunita ng Miyerkoles De Abo sa ika-26 ng Peb­rero.

Sinabi ng Obispo, bukod sa pagiging tradisyunal ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Marinduque ay wala ring anumang kaso ng COVID-19 sa isla na dapat na pangambahan ng mga mamamayan.

“Well sa amin hindi siguro, una very traditional ang aming Simbahan, second wala naman kaming case dahil kami naman ay isla hindi naman kami masyadong dayuhin and then we have no cases yet of the COVID-19 virus. So I don’t think we need to panic in that sense sa amin.” ayon sa obispo.

Sinabi pa ng obispo na maging ang sanggay ng Department of Health sa lalawigan ay wala ring anumang abiso kaugnay sa nasabing sakit na dapat na ipangamba at ikonsidera ng Simbahan kaugnay sa nakatakdang paggunita ng Miyerkoles De Abo.

Ang Miyerkoles De Abo ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma o ang 40 araw na paggunita ng pagpapakasakit, pagpapapako sa krus, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus sa krus upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan. (Juliet de Loza-Cudia)