Abante Tonite Interactive

Ashaolu balik kay Guiao, Mitchell pinag-impake

360

Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – NLEX vs. Rain or Shine
7 pm – Phoenix vs. Ginebra

Nakapag-praktis na si Kiefer Ravena sa NLEX – at sa Gilas Pilipinas – pero ‘di pa agad siya makakalaro.

Wala pa si Ravena sa pagsagupa ng Road Warriors sa Rain or Shine mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Sa Aug. 24 pa mali-lift ang FIBA suspension ni Ravena, eksaktong dalawang buwan tapos ang unang ensayo noong Lunes. Pinatawan siya ng 18-month suspension nang makitaan ng banned substance.

Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng PBA Commissioner’s Cup standings ang Road Warriors, iisa pa lang sa walong laro ang naipanalo. Huling nabalaho ang team ni coach Yeng Guiao sa Ginebra 100-85 noong Linggo sa Batangas City Coliseum.

Sa kabilang banda, ipinagpag ng Elasto Painters ang Columbian sa overtime 88-86 noon ding June 23 para pinturahan ang 3-3 card.

Naitakas ng RoS ang panalo – una nila sa Dyip tapos ang apat na sunod na talo sa nakalipas na apat na confe-rence din – sa basket ni Rey Nambatac mula sa perpektong execution ng inbound pass ni Gabe Norwood.

Pinangunahan ng triple-double na 29 points, 14 rebounds at 10 assists ni Denzel Bowles ang Painters, tumapos ng tig-10 sina Nambatac at Jewel Ponferrada.

Pinasibat na ng NLEX si Tony Mitchell, ibinalik si Nigerian-Canadian Olu Ashaolu na nag-ensayo na sa team noong Martes. Kung wala nang aberya sa kanyang papel, makakalaro na si Ashaolu mamaya.

Nasa kailaliman ang Road Warriors, isasagupa si Ashaolu bilang preparasyon na rin sa Governors Cup.

Naglaro na ang import sa NLEX noong isang taon pero binagabag ng injury at pinalitan ni Aaron Fuller.

“We rather bring him early, acclimatize and make sure that he is in good shape,” pahayag ni Guiao. “Puwede naman siya isabak na sa mga malalaking import ng ibang teams this confe-rence.” (Vladi Eduarte)