Abante Tonite Interactive

Asim ni Koko inismol, Cha-cha ididribol ni Kiko

5,545

Sa kabila ng banta ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na sipain si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa pinamumunuang komite kung babagalan ang takbo ng panukala sa Charter change o Cha-cha, nanindigan naman ang huli na hindi kailangang madaliin ang mga public hearing ukol sa pagretoke ng Konstitusyon.

Hindi umano natatakot si Pangilinan na matanggal bilang chairman ng Senate committee on constitutional amendments and electoral reforms.

Ayon sa senador, itutuloy niya ang plano na magpatawag ng marami pang public hearing ukol sa Cha-cha at ang pagdaraos nito sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kung hindi masiyahan si Pimentel, sinabi ni Pangilinan na malaya ito na manguna sa pagpapasipa sa kanya sa komite.

“We will work on a March timetable and if the SP is unhappy with our work as chairperson considering I am not in the majority, he is welcome to initiate my ouster,” saad ni Pangilinan.

Muli naman nitong binigyang-diin na target nilang magsumite ng committee report para sa Cha-cha sa Marso.

Gayunman, depende aniya ito sa kagustuhan ng ibang senador na miyembro ng komite.

“My own working deadline is March but I cannot speak for all members of the committee who may or may not wish to have more time to tackle such an important matter. I suggest if SP (Senate President) wants a report out by March then he may also convince the other senators to such deadline,” dagdag ni Pangilinan.