Abante Tonite Interactive

Asin tax

191

Kasama sa listahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ng basic commodities ang instant noodles. Madalas itong bilhin ng karamihan sa mamamayan lalo na ang mga mahihirap bilang pang-ulam sa araw-araw. Malamang mapasama ang instant noodles sa mabubuwisan kung matutuloy na maisama sa ikalawang yugto ng sin tax sa ilalim ng TRAIN Law 2 ang pagbubuwis sa asin.

At dahil ang mga instant noodles na ito ay ginagawa para tumagal ang shelf life, grabe ang taglay nitong mga chemical. Mababa ang kanilang nutritional value, mataas sa taba, matindi ang taglay na pampaalat, tinadtad ng artipisyal na kulay at pampalasa. Ang pinakamatinding sangkap nito na delikado sa kalusugan ay ang monosodium glutamate o MSG.

Ang isang pakete ng instant noodles ay may taglay na sapat na sodium supply ng tao na pang isang linggo. Nasa isang kainan lamang. Subukan niyong kumain nito isang beses isang araw at ako’y nakatitiyak na, on the first year, mada-dialysis na kayo dahil sisirain nito ang inyong bato, kung hindi kayo maunahan ng hypertension, diabetes, stroke at kung ano-ano pang sakit gaya ng kanser.

Meron pa itong taglay na TBHQ, preservative ito na galing sa petrolyo. Talagang masama sa kalusugan ang pagkaing ito.

Kaya naman gusto ng DOH na maisama ito sa mga pagkaing dapat patawan ng mataas na buwis dahil sa masamang epekto nito sa public health. Dahil sa diet ng mga Pinoy, lalo na ang mga mahihirap, gumagastos ang gobyerno ng mas malaki para sa kalusugan ng mga Pilipino. Kung bubuwisan, makakakuha ng pondo para sa panggamot sa mga sakit na dulot nito.

May katwiran din naman ang DTI dahil sa sobrang mahal ng presyo ng pagkain, ang instant noodles, tuyo at iba pa, ay maituturing na opsiyon para sa mga Pilipino lalo na ang mga mahihirap.

Nagsalita na ang House of Representatives. Sinabi ni Ways and Means Committee chair Joey Salceda, para sa kanila, walang kapag-a-pag-asang mabuwisan ang pagkaing maaalat. Ang anumang pagbubuwis sa asin ay makakabigat lalo sa mga mahihirap. Ang mga pinoprosesong produktong karne ay tataas ang presyo. May problema na nga raw sa ASF, tapos bubuwisan pa ang asin? Inflationary raw ito o magpapataas lang daw ito ng presyo ng pagkain. Hindi raw nila ito papayagan.

Hanep ah, parang totoo. Eh nu’ng patawan niyo ng karagdagang excise tax ang produktong petrolyo, inisip niyo ba ang inflationary effect nito, hindi lang sa pagkaing maaalat kundi sa kabuuang food supply?

Ang maganda sa usaping ito ay nagsisilbi itong eye opener, o pamulat ng mata ng mga opisyal ng gobyerno na gumawa ng pamamaraan para maibaba ang presyo ng mga pagkaing magpapahaba ng buhay ng mga Pilipino. A healthy citizen is a productive citizen. Kinakailangan ninyong pababain ang presyo ng bigas, gulay, manok, baboy, isda, mga natural na pagkain, na mapagpipilian ng mga Pinoy lalo na ang mga nasa laylayan.

Baka kinakailangan ninyong muling pag-aralan ang masamang epekto ng buwis sa petrolyo. Kapag hindi ninyo ito nagawa, patuloy na makikipagsapalaran ang mga mahihirap na Pilipino at ipapaubaya na lamang sa Maykapal ang lagay ng kanilang kalusugan.

Kung hindi niyo sila bibigyan ng pagpipilian, mga pagkaing mura pero masama sa kalusugan ang kanilang pipiliin.