Abante Tonite Interactive

Astig na, pinakamasaya pa!

401

Julius Segovia

julius-segoviaSa column ko noong January 23 na may titulong ‘Astig si Sir!”, na-i-feature ko ang kuwento ng buhay ni Teacher Zaldy Bueno ng Gumaca, Quezon.

Naantig ako sa istorya niya. Sa murang edad, natuto siyang magtiis, magsikap at magbanat ng buto matapos lang ang pag-aaral. Pinatunayan niyang hindi hadlang ang kahirapan sa pagkamit ng inaasam-asam na tagumpay.

May ilang taon ko na ring kilala si Teacher Zaldy. Siya ang coach ng Filipino radio broadcas­ting team na nag-kam­peon sa katatapos lang na National Schools Press Conference ng Department of Education. Nataon na isa ako sa mga tagapagsanay ng Region-4A sa radio broadcasting.

Hindi ako nagkama­ling ibinahagi ko rito ang kuwento niya. Talaga namang ‘one of a kind’.

Kamakailan, kinilala si Teacher Zaldy ng Cebuana Lhuillier bilang 2019 Happiest Pinoy. Siya ang nanguna sa may walong daang libong nominasyon nga­yong taon. Record-breaking ang bilang na ito sa kasaysayan ng patimpalak na advo­cacy program ng natu­rang microfinancial services company.

Tulad ng maraming kapus-palad, nilalakad noon ng batang Zaldy ang halos tatlong kilometrong daan para makatipid sa pamasahe.­ Para makatulong sa pamilya at kanyang ina, natuto rin siyang magtanim, maglako ng panin­da at maglaba.

Minsan na ring nanu­luyan ang pamilya ni Teacher Zaldy sa barangay health center nang wasakin ng bagyong Rosing ang bahay nila noong 1995.

Hindi nagpagupo si Teacher Zaldy sa mga hamon ng buhay. Nag-working student siya. Halos lahat ng trabaho’y pinasok na niya para makaipon ng pera pang-matrikula.

Sa totoo lang, pagiging radio announcer ang pangarap ni Teacher Zaldy. Pero ang childhood dream na ito, isi­nantabi niya dahil sa kakapusan ng pamilya. Nakuntento na lang daw siya sa pagkuha ng kursong Education.

Bagay na hindi naman daw niya pinagsisisihan. Sabi ni Teacher­ Zaldy, masaya siyang naging isang guro. Ang nakakaantig pa sa kanyang kuwento, siya mismo ang nagsilbing guro ng kanyang ina.

“Alam ninyo po, ang nanay ko, hindi naka-graduate ng high school. Noong ako’y naging teacher na sa DepEd, ‘yung nanay ko, pinag-enroll ko po sa klase ko kaya po siya naging estudyante ko. At naka-graduate po siya ng high school kasi ako ang teacher niya. And this, I believe, [is] part of the wonderful picture of my life, wonderful picture of my story,”
madamdaming pagbabahagi ni Teacher­ Zaldy sa kanyang acceptance speech.
Tunay ngang inspirasyon siya sa marami sa atin na nahihirapan sa mga hamon ng buhay. Lagi niyang sambit, ngitian lang ang problema.

Panghuling mensahe ni Teacher Zaldy, “Sa lahat po ng mga Pilipino sa buong mundo at sa mga taong malapit nang bumitaw, pakatandaan po ninyo, ang mga pinagdadaanan ninyo, ngitian ninyo lang, at dara­ting ang araw, katulad ngayon­, lahat ng hirap, tatawanan ninyo lang.”

Bukod sa tropeo, tumataginting na isang mil­yong piso (tax free) ang premyo niya.

Muli, ang aking mainit na pagbati sa’yo, Teacher Zaldy! Hindi lang astig, pinakamasaya pa!