Abante Tonite Interactive

P256.6M nalikom ng Pantawid ng Pag-Ibig

632

Isang napapanahon at epektibong pambanlaw sa matinding pangangamba at kalungkutan ang konsiyertong binuo ng ABS-CBN.

Dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine ng ating pamahalaan ay pinagbabawalan tayong lumabas ng ating mga tahanan.

Anu-ano lang ba ang maaari nating gawin sa ganu’ng kundisyon? Ang abalahin ang ating isip sa paglilinis ng buong kabahayan.

Ang pakikipagkomunikasyon sa ating mga mahal sa buhay na hindi natin maaaring personal na puntahan. Bawal. May lockdown.

Ang panonood ng telebisyon na puro nakatatakot na balita naman tungkol sa mga kababayan nating dinapuan na ng virus na ang iba’y nakaliligtas at ang karamiha’y nagbubuwis ng buhay.

Nu’ng Linggo nang gabi ay binago ng ABS-CBN ang sitwasyon, isang makabuluhan at mainspirasyong konsiyerto ang ihinain nila sa publiko, ang “At Home Together Concert” na pinakatutok ng kanilang proyektong “Pantawid Ng Pag-ibig.”

Mahigit na isandaang singers at artista ang kumanta-nag-perform sa kani-kanilang mga tahanan, walang make-up, hindi rin kuntodo ang kanilang gayak.

Ang lahat ng kikitain ng istasyon sa mga patalastas at mga maiipong donasyon mula sa mga pribadong kumpanya ay gagamitin nila para mamahagi ng tulong sa mga apektado nating kababayan sa panahong ito ng krisis dahil sa COVID-19.

Umabot na sa P256.6 milyon kahapon (March 23) ang tinanggap nilang donasyon, napakalaking ayuda ng kanilang nalikom para sa mga kababayan nating balot ng takot sa paglanganap ng taggutom, isang pagsaludo sa mga artista, produksiyon at ng lahat ng nagbalangkas ng makabuluhang proyektong ito.
-o0o-

Julia ‘di nakilala sa pagbabago ng hitsura

Walang kolorete sa mukha si Regine Velasquez nang humarap sa mga camera. Nakaupo lang siya habang inaakumpanyahan sa piano ng kanyang mister na si Ogie Alcasid.

Pero may amplifier talaga sa baga at lalamunan ang Asia’s Songbird, panay-panay pa rin ang kanyang pagbirit, samantalang prente lang siyang nakaupo.

Ang galing-galing din ng performance ni Darren Espanto na nasa Canada pala, tumatawid ang sinserong emosyon sa kanyang pagkanta, tulad din ni Martin Nievera na kahit yata sa ilalim ng dagat pakantahin ay talagang napakagaling.

Nag-text ang isang kaibigan naming nanonood din, “Hindi ko nakilala si Julia Montes. Kung hindi siya nilagyan ng chargen habang nagsasalita, e, hindi ko talaga siya mare-recognize!

“Ibang-iba rin ang itsura ngayon ni Moira. Parang nawala ang magkabilang palikpik sa ilong niya. Pero mas bumagay sa itsura niya ‘yun,” pagpansin ng aming kausap.

At mawawala ba naman sa aming paningin ang kakaibang kagandahan ni Liza Soberano? Hindi alipin ng make-up ang young actress na ito.

Kahit yata kulapulan siya ng putik sa mukha ay lilitaw at lulutang pa rin ang kanyang ganda. Walang mali sa kanyang itsura.

-o0o-

Dobleng ingat pa rin po tayo. Ito ang sitwasyong wala tayong ibang pamimilian kundi ang sumunod sa pinaiiral na anunsiyo ng DOH at ng ating pamahalaan para makaligtas tayo sa COVID-19.

At naisip lang namin. Lagi nating sinasabi kapag may mga problema ang stay positive. Baligtad ngayon. Stay negative tayo sa virus.