Abante Tonite Interactive

Ate kinaladkad, nilaslasan ng lalamunan

366

Patay ang isang 50-anyos na babae na sinasabing may diperensya sa pag-iisip matapos pagsasaksakin at laslasin pa ang lalamunan ng kanyang nakababatang kapatid na nagalit sa una Martes nang gabi sa Antipolo City.

Idineklarang dead-on-arrival sa Amang Rodriguez Medical Center dahil sa tinamong mga saksak sa katawan at laslas sa leeg ang biktimang si Rodelyn Magas. Agad namang naaresto ng pulisya ang suspek na si Roberto Magas, 48, nakababatang kapatid ng biktima.

Sa ulat ng Antipolo City police sa Police Regional Office (PRO) 4-A, naganap ang insidente alas-siyete nang gabi sa garahe ng bahay ng pamilya-Magas sa Lopez Ville Subd., Brgy. Mayamot.

Napag-alaman na inutusan ng suspek ang biktima na patayin ang telebisyon subalit nagalit ang huli dahilan upang pagmumurahin ang nakababatang kapatid at pagkatapos ay batuhin pa ng remote control ng TV.

Nagalit naman ang suspek sabay kaladkad sa kanyang ate patungo sa garahe at doo’y ilang ulit na pinagsasaksak at gilitan pa ito ng leeg.

Nakatawag-pansin naman ang komosyon sa iba pang kasamahan sa bahay at
agad dinala sa ospital ang biktima subalit hindi na ito nakarating pa ng buhay.

Ang suspek naman ay nadakip ng rumespondeng miyembro ng Antipolo City Police Community Precint 1.

Ayon sa mga kaanak, dumaranas ng malalang karamdaman sa pag-iisip ang biktima simula pa noong 1998 at lumala ang kondisyon nito nang sumailalim sa brain surgery may tatlong buwan na ang nakakalipas. (Edwin Balasa)