Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ateneo investment scam sumabog

0 2,549

Ni Nancy Carvajal

Nahaharap ang isang 25-anyos na estudyanteng self-styled entrepreneur mula sa Ateneo De Manila University (ADMU) sa mga kasong estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act matapos umanong lokohin ang mga dati niyang ka-batch para mag-invest sa “get-rich-quick scam”.

Isinampa na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nabanggit na kaso laban kay Benjamin Mari Yap Limjap sa Pasig City Prosecutor’s Office batay sa inihaing reklamo laban sa kanya ng tatlong biktima na pawang taga-Ateneo.

Isang source na pamilyar sa imbestigasyon ng NBI sa kaso ang nagsabing niloko ni Limjap ang ilan niyang ka-batch at mga kaibigan sa Ateneo subalit hindi pa nagsasampa ng kaso ang mga ito dahil sa malaking halaga na natangay sa kanila.

Nagpunta si Limjap sa NBI noong nakaraang taon kung saan ay nakapanayam siya ng reporter na ito.

Sinabi ni Limjap na nawalan siya ng P200 milyon sa gold trading at bitcoin. Subalit nangako ito na ibabalik ang mga perang pinuhunan sa kanya ng mga kaeskuwela.

Base sa affidavit ng mga nagreklamo, nag-post umano si Limjap ng advertisement kung saan naghahanap ito ng mga financial backer noong 2017 sa Facebook group na Ateneo Trade kung saan kabilang sa mga miyembro ay ADMU alumni at mga estudyante.

Sinabi umano ni Limjap sa mga interesadong Atenean na gagamitin niya ang pera ng mga ito para ibili ng verified Paypal accounts na ibebenta rin para magkaroon ng tubo.

Isang Atenista na na-scam ni Limjap ang nagsabi na nangako ito ng 20% return of investment na may 90 araw na maturity period. Bilang katibayan umano ng kanyang investment ay binigyan pa ni Limjap ang mga investor ng IOU contract para sa kanilang mga transaksyon pati na rin ang photocopy ng kanyang passport.

SM food to go Banner Ad

Ipinadala ang kontrata sa mga investor sa pamamagitan ng email matapos na magdeposito sila ng pera sa bank account ni Limjap.

Ayon sa mga nabiktima, kumita naman sila sa initial investment nila kaya nahikayat silang dagdagan pa ang puhunan at hinimok din ang iba pang Atenista na pumasok sa `negosyo’ ni Limjap.

Subalit matapos umanong makuha ang maraming deposito mula sa kanyang mga biktima ay hindi na mahagilap si Limjap.

Noong 2019 ay nag-deactivate umano ng kanyang Facebook si Limjap at hindi na rin ito makontak ng kanyang mga kaeskuwela. Wala na rin umanong update tungkol sa kanilang mga investment.

“The victims were Limjap’s high school and college friends, so it was

easy for them to trust him,” ayon sa isang biktima.

Nag-message pa ang isang investor kay Limjap para mabawi ang kanyang pera. Isinumite ang kopya ng kanyang text message sa NBI.

“I’m trying not to have any doubts but please reply. All my life savings are with you. I know you are not a bad guy, so I’m begging you, please don’t run or anything like that,” pakiusap ng biktima sa kanyang text message kay Limjap.

Kaugnay nito, nanawagan ang NBI sa iba pang nabiktima ni Limjap na lumantad habang patuloy nilang iniimbestigahan ang investment scam.

Leave A Reply

Your email address will not be published.