Abante Tonite Interactive

ATM Gang umatake sa mall

0 771

Nadakip ng mga awtoridad ang dalawang lalaki na sinasabing notorious swindler na nambiktima sa 73-anyos­ na retiradong guro na nakuhanan nila ng ATM card at nag-shopping sa loob ng isang mall sa Quezon City.

Kinilala ni Quezon­ City Police District (QCPD) Director Police Brig. Gen. Ronnie Montejo, ang mga suspek na sina Frederic Ybañez, 48, at Gerr Jan Manago, 37, kapwa taga-Malate, Manila, na naaresto ng Masambong Police Station (PS-2) matapos ireklamo ni Minda Eco, retiradong guro at taga-Brgy. Roxas.

Nauna rito, dakong alas-12:30 ng tanghali (Enero 12) nang maganap ang insidente habang nagwi-withdraw ang biktima ng P5,000 sa ATM machine ng Banco de Oro (BDO) sa ground floor ng Fisher mall sa Quezon City.

Nagpanggap umanong magwi-withdraw rin sa ATM machine ang mga suspek.
Habang nagwi-withdraw ang retiradong guro ay palihim na sinilip at tinandaan ng mga suspek ang pin ng ATM card nito.

Pagka-withdraw at paalis na sana ay nilapitan ng mga suspek ang biktima at sinabihan na may P1,000 bill pa na naiwan sa ATM machine.

Inalok rin umano ng mga suspek ang biktima na tutulungan siyang mag-withdraw at sa pamamagitan ng magagandang salita ay nakumbinsi nila ang guro na ibigay sa kanila ang kanyang ATM card.

Lingid sa kaalaman ng biktima, pinalitan na ng mga suspek ang kanyang ATM card kaya’t nang tangkaing mag-withdraw ay na-capture ito ng ATM machine.
Sinabihan umano ng mga suspek ang biktima na agad na i-report sa bangko ang pagka-capture ng machine sa kanyang ATM card, at saka nagmamadaling umalis ang mga ito at gamit ang tinangay na ATM card ng guro ay nag-withdraw ng pera sa ibang ATM machine.

Batay sa CCTV recording, pagkatapos na makapag-withdraw ang mga suspek ay bumili rin umano ang mga ito ng dalawang cellphone at dalawang TV Plus Go sa mall.

Nang matuklasan ng guro ang panloloko sa kanya, agad siyang nagsumbong sa customer service ng mall, na siya namang umalerto sa mga pulis at pagkakaaresto ng mga suspek. (Dolly Cabreza)