Abante Tonite Interactive

Atras-abante

380

Hindi ikinatuwa ng mga magsasaka ang naging pahayag ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte na ipatitigil na niya importasyon ng bigas sa panahon ng anihan upang makatulong sa mga magsasaka. Sabi kasi ng mga nagpakila­lang magsasaka, bumaha na ng imported rice sa bansa kaya wala na ring silbi ang deklarasyon ng Pangulo.

Pero isang araw lang ang lumipas, nilinaw ni Agriculture Secretary William Dar na tuloy pa rin ang importasyon ng bigas. Nagkaroon pala ng pagpupulong si Sec. Dar kay Pangulong Duterte at sa iba pang opisyal bago narating ang desisyon.

Napag-usapan kaya kung ano ang gagawin sa mga nag-aalburutong magsasaka?

Mula daw kasi nang ipatupad ang Rice Tariffication Law, bumuhos na ang imported rice at nagpabagsak ito sa ­presyo ng ­palay. ­Inutusan na rin ng Pangulo ang ­National Food ­Authority (NFA) na bilhin ang ­palay ng mga magsasaka pero ayon kay Sec. Dar, wala silang budget para rito.

Isang balita rin ang panandaliang nagpasaya sa mga tsuper nang ihayag ng dalawang senador na hindi na tuloy ang ­pagwawalis sa mga lumang pampasaherong jeep sa kalsada. Makalipas kasi ang isang araw, nilinaw ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy pa rin ang jeepney modernization program pero papayagan ang mga lumang jeep na pumasada basta papasa sa emission at safety check.

Marami din ang hindi natuwa sa ginawang pagbabawal ni Pangulong Duterte sa vape, kung saan pinag-utos pa niya sa Philippine ­National Police (PNP) na ­arestuhin ang mga humihithit nito sa pampublikong lugar. Pero makalipas ang isang araw, nilinaw ng PNP na iba-blotter lang nila ang ­mahuhuling nagva-vape at hindi naman pala ikukulong.

Maraming nakakagulat na balitang bumulaga sa mga Pinoy sa loob lang ng isang linggo. Karamihan dito ay mga binawi. Kumbaba sa sasakyan, kumambyo.

­Siyempre nga naman, kung pinapatakbo mo ang jeep at nakita mong baha ang iyong dadaanan, ikakambyo mo ito para umatras.

O kung may mga taong galit sa kalsada, alangan namang idiretso mo ito.

Siyempre, kakambyo para umatras. Parang ganyan din ang mga political decision, may bawian. Hindi naman ito katulad ng kasal na kapag napaso sa mainit na kanin ay bawal iluwa.