Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Atras, Palit, Sanib?

0 103

Buhay na buhay na naman mga tropapips ang mga ayudanatics nating kurimaw dahil sa bagong inilabas na survey ng Pulse Asia tungkol sa mga napipisil na posibleng maging susunod na pangulo at pangalawang pangulo ng bansa.

Kaniya-kaniyang pabibo na parang political analyst ang mga kurimaw natin na may kani-kanilang hula ng posibleng mangyayari bago ang halalan sa Mayo 2022.

Pero mayroon din naman napapakamot na lang ng kanilang “b,” as in bumbunan dahil mahirap pa raw sa Mississippi kung espelengin ang ibang politiko kung ano talaga ang plano nila sa eleksiyon.

Ngunit kung susuriin nga naman ang pinakabagong survey ng Pulse Asia na ginawa ngayong Setyempre (kumpara sa inilabas noong Hunyo), aba’y mapapaisip ka kung magpapaapekto kaya ang mga pangalang nakalista doon.

Gaya ni Davao City Mayor Sara Duterte, na nagsabi nang hindi tatakbo sa “national” position pero siya pa rin ang number 1 na napupusuan ng mga na-survey na may 20 points. Iyon nga lang, bumaba ito sa nakuha niya noong June survey na 28 points.

Ang isa pang kapansin-pansin sa numero ni Mayor Sara, malaki rin ang nalagas na suporta niya sa Mindanao. Mula sa 62 point noong June, naging 47 points na lang ito sa Setyembre. Nalagasan din siya ng 7 points sa Visayas, 4 points sa NCR, at 5 points sa Balance of Luzon.

Ang ama naman ni Mayor Sara na si President Mayor Rodrigo Duterte, na plano namang tumakbong bise presidente, bumaba sa No. 2 spot matapos na makakuha ng 14 points mula sa dating 18 point niya noong Hunyo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Umarangkada naman sa No. 1 si Senate President Tito Sotto na vice presidential bet ni Senador Ping Lacson. Mula sa no.3 spot ng June survey na may 10 points, sumirit siya sa 25 points ngayong Setyembre.

Ang salsanalist na mga kurimaw natin, naniniwala na malamang na aangat din ang numero ni Ping sa mga susunod na survey dahil sa suporta ni Tito Sen. Lalo pa ngayon na isasapinal na ang koalisyon ng tatlong malalaking partido na Reporma, Nationalist People’s Coalition (NPC), National Unity Party (NUP).

Ang tanong ngayon at aabangan ang sagot, umatras kaya si President Digong sa pagtakbong VP, at magpasya si Mayor Sara na tumakbong presidente kahit nalagasan ng malaki ang numero niya? May usapan daw kasi ang mag-ama na isang Duterte lang ang tatakbo sa kanila.

Bukod diyan mga tropapips, may mga pangalan pang nakalista sa presidential at VP preference na hindi pa deklaradong tatakbo, at maaari pang makipag-alyansa sa ibang kandidato.

Kaya naman mahirap pa rin espelengin kung sino-sino talaga ang mga magsasabong para sa dalawang pinakamataas na posisyon sa bansa. Aba’y kahit nga nagsumite na ng kanilang certificate of candidacy eh puwedeng palitan ng ibang kandidato.

Ngunit ang dapat tandaan mga tropapips, ang piliing kandidato eh yung may sapat na karanasan at kakayanan na ibangon ang bansa mula sa pandemic.

Sa susunod na taon kasi, malaman na makakaraos na tayo sa COVID-19 at ang dapat na matutukan ng mga susunod na lider eh ang makalikha maraming trabaho, at karerin ang mga dati nang problema sa kahirapan, droga, korapsiyon, krimen, at ang pang-aagaw ng China sa teritoryo natin. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.