Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Atupagin mo ang pandemya!

0 435

Nitong mga nakaraang araw, pumalo sa pinakamataas na bilang ang mga kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula nang simula ng pandemya noong nakaraang taon. Nasa 8,019 ang naitala noong Marso 22, at malamang rururok pa ang bilang sa mga darating na araw.

Sa ganitong paraan isinalarawan ni Edson C. Guido, statistician ng ABS-CBN, ang daluyong ng COVID na pinagdaraanan natin ngayon: halos natumbasan na ng bilang ng kaso ngayong Marso 1-23 (101,411) ang pinagsamang bilang nga kaso noong Enero (51,619) at Peberero (50,791; pinagsama: 102,410).

Sa gitna ng mga ulat na napupuno nang muli ang mga COVID ward ng paparaming bilang ng mga ospital, ano ang tugon ni Department of Health Sec. Francisco Duque? Aba’y winasiwas ang kanyang isang metrong patpat sa isang barangay sa Paranaque para umano ipaliwanag ang kahalagahan ng physical distancing. Kanyang dineklara: “Hindi naman natin alam na papalo ng ganito kataas.” Kung hindi ka ba naman madidismaya sa pag-amin na walang kamuwang-muwang sa tunay na kalagayan ng pandemya sa bansa ang pinuno ng Inter-Agency Task Force na nangunguna sa tugon sa pandemya ng administrasyon? Sa kabila ng bilyun-bilyong badyet nito at kontrol sa buong makinarya ng estado?

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ano naman ang “words of wisdom” na inihandog sa publiko ng Senate President, si Sen. Tito Sotto, sa mga mamamayang nagpapahayag ng diskuntento sa muling pagsirit ng mga kaso ng COVID, kapalpakan ng programa sa bakuna (wala pang supply, bukod sa mga donasyon, kaya wala pang mass roll-out), at pagpataw ng bagong mga paghihigpit sa paglalakbay bilang tugon sa daluyong? “This is war. It’s a war against COVID-19. ‘Pag giyera, meron bang umaangal na wala silang makain? Umaangal ka ba? Titiisin mo lahat ‘yan eh.”

Nasa gera daw tayo, kaya bawal umangal. Sumunod ka na lang! “Susunod ka sa kung anumang usapan eh. Lahat ng reklamo natin, hindi reklamo ng nasa giyera eh. Masyado tayong comfortable.” Sermon na maaari lamang magmula sa bibig ng isang di kailanman nakaranas ng gutom.

Ano naman ang sabi ni Pang. Duterte? Sa kanyang huling “Talk to the People” nitong Lunes, muli niyang minaliit ang pandemya at ang paghihirap na dinaranas ng mga Pilipino: “Tutal maliit pa naman ito, it’s just a small – not really small but a – not so many are being affected hindi afflicted.” Maliit pa rin para sa kanya kahit may mahigit 600,000 libong kumpirmadong nagkasakit at mahigit 12,000 namatay dahil sa COVID, at umurong ng 9.5% ang ekonomiya. Tapos naglaan ng malaking bahagi ng kanyang talumpati sa pagdiin sa mga empleyado ng gubyerno na sinibak sa gubyerno dahil sa korapsyon: isang abogado ng NAPOLCOM, tatlong pulis (isang patrolman, isang corporal, at isang staff sergeant). Ito ang pinagmamalaki niyang resulta ng kanyang krusada laban sa katiwalian. (Bakit puro mga dulong? Nasaan ang malaking isda?) Habang pinanonood, ito lang ang nasabi ko nang pabulong: “Hoy, atupagin mo ang pandemya!

Leave A Reply

Your email address will not be published.