Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Aurora vice mayor sinisi swab machine sa COVID positive result

0 109

Wala umanong nilabag na health protocol si Dipaculao, Aurora Vice Mayor Franklin Reyes sa kanyang paglabas pasok sa Nueva Ecija, taliwas sa pahayag ng kanilang gobernador na pinuna ang hindi niya pag-self-quarantine kapag umaalis ng probinsya.

Sa panayam sa local radio, sinabi ni Reyes na magaling na diumano siya at kanyang 47-anyos na asawa nang dalhin sa Aurora Memorial Hospital. Sabi ng opisyal, “Ang nakakapagtaka nga lang, ‘yung swab test na dinala sa amin sa Pampanga ay positive [ang resulta], na kung saan ay wala namang makita ‘yung doktor at nurses sa amin na symptoms.”

“‘Di ko malaman kung sa’n nila napulot ‘yung machine na ginagamit nilang pang-detect nun sa Pampanga,” giit niya.

Reaksiyon ito ng vice mayor sa pahayag ni Aurora Governor Gerardo Noveras na may Dipaculao official na ilang beses umanong pumunta sa isang bayan ng Nueva Ecija na may COVID-19 case pero hindi nag-self-quarantine pagbalik at patuloy sa pagtatrabaho at pagbisita sa mga barangay. Doon umano nahawa sa virus ang opisyal.

Inanunsiyo ng Dipaculao LGU na 7 close contact ng mag-asawang Reyes ang nagpositibo sa virus, habang 245 katao naman sa iba’t ibang barangay ang pina-home quarantine at 34 katao ang inatasang mag-facility quarantine dahil din sa dalawang naunang pasyente.

Punto ng vice mayor, ang may mali talaga ay ang coronavirus swab test machine.

“Malakas na malakas po [ako]. Pati po ‘yung mga kababayan ko sa Dipaculao na swinab test din ay sinat lang, o kaya yung iba ay wala namang sinat ay positive pa rin ang lumalabas. Falsification nga daw yung machine na ginamit sa pagsa-swab test,” aniya pa. (SDC)

Leave A Reply

Your email address will not be published.