Abante Tonite Interactive

Austero bumomba, nirekta ang Lady Blazers sa F4 boom pasok!

309

Mga laro sa Lunes:
(Filoil Flying V Centre)
12:00 n. t. – SSC-R vs UPHSD
2:00 n. h. – CSB vs MU

Pumalo ng 13 points si Rachel Austero para papasukin na rin sa semifinals ng 94th NCAA 2019 women’s volleyball ang College of Saint Benilde makaraang pasabugan ang San Sebastian College, 25-17, 25-16, 25-14, sa elims kahapon sa The Arena, San Juan City.

Nakasikwat ng final four spot ang tropa ni coach Jerry Yee sa pag-angat din sa 7-1 win-loss record kapantay ang naroon na ring San Beda University. Nagtatrangka ang nasa next phase na rin at wala pang talo sa walong salang na Arellano University.

Binanda ng Taft-based volleybelle ang magandang laro sa dominasyon sa laban para mapadausdos ang SSC Lady Stags sa 4-4, kabuhol sa ika-5-6 na puwesto ang Jose Rizal University sa 10-koponang liga, at maging kontender pa sa twice-to-beat incentive.

“Sana makapag-twice-to-beat advantage kung saka-sakali. May last game pa ‘yung Beda against Arellano,” wika ni Yee, na nakahugot pa ng 11 markers kay Klarisa Abriam.

Kung sakali mang manalo sa huling laro ang CSB Lady Blazers, hindi pa rin sigurado ito sa twice-to-beat advantage, dahil kung masu-sweep ng Arellano ang 9-game elims, deretso na ito sa best-of-three finals habang ang top three teams ang magbabakbakan para sa huling finals spot.

“’Yung expectations natin and then sinet natin, ‘yung goals natin later natin ite-take kung anong kailangan, so stay sila or not. Wil­ling naman ‘yung mga bata mag-sacrifice, so far they’ve been wor­king,” wakas ni Yee.

Hinampas naman ng Lyceum of the Philippines University para sa ikatlong panalo sa walong salang sa liga para umupo sa pang­walo kontra Emilio Aguinaldo College na bokya pa rin sa siyam na labanan, 25-17, 25-16, 27-25.