Abante Tonite Interactive

Austria, Victolero galit-galit ulit

By
1,082

Laro ngayon: Araneta Coliseum
(Game 3: Series tied, 1-1)
6:30pm — San Miguel Beer vs Magnolia

Tapos na ang pagtitika. Balik na sa bugbugan.

Galit-galit na ulit ang San Miguel Beermen at ang Magnolia Hotshots, na muling magkakaliskisan sa pagpapatuloy ng best-of-seven titular showdown para sa PBA Philippine Cup crown.

Tiyak na dadagundong na naman ang Big Dome sa pagsambulat ng Game 3 ngayong alas-6:30 ng gabi kung saan magkatali sa 1-1 ang serye.

Unang bumasag ang Magnolia noong Marso 23 kung saan nasilat nila ang mga serbesa, 105-103.

Gumanti ang SMB at inararo ang pilay na Hotshots, 92-77. ‘Nakanti ang pride,’ sabi ni San Miguel coach Leo Austria sa pagbalikwas ng kanyang tropa sa Game 2.

Nagiging mas pisikalan ang aksyon pero pinagkibit-balikat lang ito ni Magnolia coach Chito Victolero. “Finals na ito. Ganun talaga, mas matindi ang bantayan,” sey nito.

Muling sasandal ang Beermen sa primero sentrong si June Mar Fajardo at mga katotong sina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Ross.

Hindi naman padadaig ang partido ni Victolero na babanderahan ni Paul Lee, Ian Sangalang, veteran Rafi Reavis, Mark Barroca at Jio Jalalon. (Ferdz Delos Santos)