Abante Tonite Interactive

AUV pinaulanan ng bala: 2 bulagta, dalagita kritikal

By
Ang Mitsubishi Adventure na may plakang UDI 623 na tinadtad ng bala ng mga suspek kamakalawa ng gabi sa Barangay Daanghari, Navotas. Dalawang sakay nito ang patay habang kritikal ang dalagang kasama ng mga biktima. (Cherk Balagtas)
2,236

Tinambangan at walang habas na pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan ang isang Mitsubishi Adventure na ikinasawi ng dalawang la­laking sakay nito at ikinasugat ng isang dalagita na kritikal pa rin sa ospital, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Sa ulat ni PO3 Allan Bangayan ng Navotas City Police-Homicide Unit, pasado alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Daanghari Street, Barangay Daanghari ng nasabing lungsod.

Kasalukuyan umano noong sakay ng isang Mitsubishi Adventure na may plakang UDI 623 ang mga biktimang sina Jolan Naval, 38-anyos, ng M. Naval Street, ng nasabing lugar; Allister Leslie San Pedro, 28-anyos, ng Lakandula Street, Tondo, Maynila at Princess Galing, 18-anyos, ng Sampaloc, Tanay, Rizal at binabaybay ang nasabing lansangan nang bigla na lamang silang harangin ng hindi bababa sa tatlong armadong kalalakihan at walang habas na pinaulanan ng bala ang sasakyan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin na nagtakbuhan lang palayo sa lugar.

Dito na sumaklolo ang mga residente sa mga biktima. Patay agad si Naval habang naisugod pa sa Navotas City Hospital si San Pedro ngunit binawian din ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy namang isinasalba ang buhay ni Galing na nagtamo din ng tama ng bala sa ulo.

Na-recover ng mga tauhan ng Northern Police District Crime Laboratory Office (NPD-CLO) ang isang .9mm Cherokee pistol, dalawang magazine na loaded ng 31 live ammunitions at ilang mga drug paraphenalias sa loob ng sasakyang gamit ng mga biktima.

Nasa 23 pirasong empty shells, tatlong deformed slugs at fragment mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang natagpuan pa sa pinangyarihan ng krimen.

Samantala, hinala ng mga awtoridad na alitan sa pagitan ng dalawang mga grupo ng mga drug gang ang naging dahilan ng pananambang. Nalaman din na nasa police drug watchlist ang biktimang si Naval.