Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Avisado imposibleng walang alam – Drilon

0 106

Hindi naniniwala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang alam si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado sa mga transaksiyon ni ex-undersecretary Lloyd Christopher Lao.

“Alam mo, human nature, bilyung-bilyon ang hawak ng isang ahensya sa ilalim mo bilang secretary of budget, hindi mo ba tatanungin kung ano ang nangyayari diyan, tama ba ang ginagawa? Tama ba `yon? Huwag mo namang sabihin Sec Avisado na hindi mo alam ang ginagawa. That is contrary to human experience,” ayon kay Drilon.

Sagot ito ng senador nang matanong sa isang panayam kung hindi ba ito naniniwala na walang nalalaman si Avisado sa mga ginagawa ni Lao.

“Hindi ako naniniwala. Kahit attached agency lang iyan, subordinate mo iyan. In practical terms, sa araw-araw mong trabaho ay dapat tinatawagan mo `yan. May pagkukulang,” sabi ni Drilon.

Malaki rin ang pagdududa ni Drilon na mayroong pinagtatakpan umano si Lao na dating namuno sa Procurement Service ng DBM. Pipilitin umano nila sa Senado na ibunyag ni Lao kung sino ang backer nito.

“Sa akin, si Lao talagang nagsisinungaling. Sa aming tingin sa Senado, may pinagtatakpan siya. Sino kaya? Kami ipipilit namin na ilabas ni Lao kung sino ang kanyang backer. Mahahalata mo naman kasi unang-una, sinasabi niya na walang nagrekomenda sa kanya sa DBM doon pa lang halata ng may pinagtatakpan siya,” ani Drilon.

Nang tanungin kung maaari ba mag-apply sa Witness Protection Program (WPP) si Lao, sinabi ni Drilon na dapat ‘least guilty’ ang dating DBM official at dapat magbigay ng affidavit na aaralin muna ng Blue Ribbon Committee.

“Kung hindi siya magsasalita, kawawa naman siya, siya lang ang makukulong,” ayon kay Drilon.

Kinakalkal ngayon ng Senado kung paanong ang isang bagitong kompanya na Pharmally Pharmaceutical Corporation ay nakakuha ng multi-bilyong pisong kontrata sa PS-DBM para sa mga medical supply ng Department of Health (DOH).

Nadiskubre pa na nilipat ng DOH noong 2020 ang P42 bilyong budget nito sa PS-DBM para mapabilis umano ang pagbili ng mga supply. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.