Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Away-lupa, kaanak tinodas

0 503

Isang magsasaka ang napatay makaraang pagbabarilin ng kanyang kamag-anak bunsod ng umano’y away sa lupa sa Barangay Sibul, San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Col. Lawrence B. Cajipe, provincial director ng Bulacan PNP, ang inarestong sina Alvin Gacias, 35-anyos at Alberto Viudez y Cristobal alias Betong, kapwa taga-San Miguel na kapwa nakadetine ngayon matapos pagbabarilin si Edwin Viudez y Lapuz, 39, residente din sa lugar.

Nabatid na bandang alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente matapos puntahan ng dalawang suspek ang biktimang si Viudez sa gilid ng ilog sakop ng Barangay Sibul, San Miguel at matapos itong tawagin ay paulit-ulit nang binaril ang biktima ng suspek na si Gacias at nagsilbing lookout ang kasama nito.

Mabilis na tumakas ang dalawang suspek nang matiyak na patay na ang pakay ngunit nadakip sila ng mga rumespondeng operatiba ng San Miguel police at kapwa nahaharap ngayon sa kasong murder.

Lumilitaw na land dispute ang ugat ng insidente.

Bago ang pamamaslang, nagtungo muna ang dalawang suspek sa tinitirhan ng biktima at nang hindi abutan ay kinausap ang anak na lalaki ng biktima at tinanong kung nasaan ito at pinagbantaang papatayin bago pinuntahan ng mga salarin ang biktima at barilin. (Jun Borlongan)

Leave A Reply

Your email address will not be published.