Abante Tonite Interactive

Away-trapiko: Driver niratrat sa ulo

By
1,804

Dahil lamang sa simpleng iringan sa trapiko ay nabutas ang ulo ng isang tricycle driver nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ni PO1 Florence Baesa ng Caloocan City Police Community Precinct 5, nangyari ang krimen ng alas-10:10 ng gabi sa Phase 6, Barangay 178, Camarin ng nasabing lungsod.

Binabaybay ng biktimang si Alden Alday, 37-anyos, ng Vanguard St., Barangay 178, ang kalyeng palabas nang bigla na lamang niyang mapinahan ang papadaan na motorsiklong kinalululanan ng dalawang lalaking inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Bunga noo’y nagkaroon na ng komprontasyon. Nagkamurahan na ang mga ito at sa gitna ng gulo ay bigla na lamang bumunot ng baril ang isa sa mga suspek.

Nang makita iyon ng biktima ay agad itong sumakay sa kanyang tricycle at pinaharurot pero hinabol siya ng mga suspek hanggang sa makorner sa Phase VI at doon na siya pinagbabaril sa ulo.

Namatay noon ang biktima habang agad ding tumakas ang mga suspek.
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng mga suspek.