Abante Tonite Interactive

Awayan sa PDP-Laban aayusin ulit ni Digong

By
166

Tatangkain muli ni Pangulong Rodrigo Duterte na ayusin ang gusot sa dalawang nag-iiri­ngang paksiyon sa hanay ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Nakatakdang daluhan ng Pangulo ang lea­dership assembly ng PDP-Laban sa Pasay City kung saan inaasahan ang presensiya ng mga lider ng nagbabanggaang paksiyon na sina Senador Aqui­lino ‘Koko’ Pimentel III at Atty. Rogelio Garcia.

Una nang kinausap ng Pangulo sina Pimentel at Garcia noong Agosto 9 subalit nabigo itong pagkasunduin ang dalawa.

Dahil dito, muling susubukan ni Pangulong Duterte na plantsahin ang hindi pagkakaintindihan ng dalawang paksiyon para maging maa­yos ang paglalatag ng mga kandidato ng partido para sa darating na eleksiyon sa Mayo 2019.

Inaasahang bibigyan ng pagkakataon ng Pa­ngulo sina Pimentel at Garcia na mailabas ang kanilang hinaing at saloobin para magkaroon ng kalutasan sa problema ng PDP-Laban bago pa man magsimula ang paghahain ng kandidatura para sa darating na eleksiyon.

Ang PDP-Laban ang partidong nagdala kay Pangulong Duterte sa kanyang kandidatura noong 2016 presidential elections.