Abante Tonite Interactive

AWOL na pulis 6 ulit binaril

323

Niratrat ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang isang pulis na sinasabing nag-awol o absent without official leave sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Laloma Police Station Commander P/Lt. Col. Camlon Nasdumaan ang biktima na si P/Cpl. Melvin Castillo, 42, residente ng Brgy. Salvacio.
Nagpapagaling na sa pagamutan dahil sa tinamong anim na tama ng bala ng .45 kalibre ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, at mapalad na nabuhay ito si Castillo.

Alas-9:30, Miyerkoles nang gabi nang maganap ang pamamaril sa pulis sa tapat ng Aqua Summit sa may Amoranto Ave., Brgy. Salvacion.

Galing sa isang mami house ang biktima at nang pasakay na sa kaniyang SUV ay biglang sumulpot ang riding-in-tandem sa kanto ng N.S. Amoranto Sr. St. at Ipo St., sa naturang Barangay, at biglang pinagbabaril ang pulis.

Sa kuha sa CCTV, nakitang nakatakbo pa ang pulis subalit hinabol at pinagbabaril pa ng mga suspek hanggang sa tuluyan nang tumakas.

Nabatid na ang nasabing pulis ay dating tauhan ng Regional Anti-Illegal Drugs ng National Capital Region Police Office at nang ipinadala sa Mindanao ay nag-AWOL na ito. (Dolly Cabreza)