Abante Tonite Interactive

Ayaw ipakita ang ka-chat, dalagita pinatay ng amain

909

Isang 16-anyos na dalagita ang nasawi sa Brgy. Buntalan, Maasin, Iloilo makaraang barilin ng kinakasama ng kanyang ina na nagalit nang tumanggi ang biktima na ipakita ang ka-chat nito sa cellphone.

Nangyari ang krimen kamakalawa kung saan, batay sa pag-iimbestiga ng Maasin Municipal Police Station, kauuwi lamang ng biktima sa kanilang bahay sa natu­rang barangay galing sa paaralan.

Nakita diumano ng suspek na kinilalang si Jerol Guillermo, 38-an­yos, ang biktimang si Faye na may ka-chat sa social media sa cellphone nito at inusisa ng amain kung sino ang kausap ng dalagita.

Abante Hiring – IT dep

Pero hindi sinabi ng biktima kung sino ang kanyang kausap hanggang magkaroon sila ng pagtatalo at humantong sa pamamaril ng suspek.
Ayon sa ulat, sinikap pang maisugod sa pinakamalapit na ospital ang dalagita subalit hindi na rin ito umabot nang buhay sanhi ng mga tama ng bala sa ulo at dibdib.

Nabatid na isang kalibre .45 na baril ang ginamit ng suspek sa pamamaril sa biktima.

Mahigpit umano ang suspek sa biktima at hindi ito ang unang pagkakataon na sinaktan nito ang dalagita.

Nabatid pa na tinangka ng ina ng biktima na awatin ang suspek pero walang nagawa para mapigilan ito.

Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek at kasalukuyan na itong ­nakakulong.