Abante Tonite Interactive

Ayaw mag-OT: 4 empleyado kinulong sa bodega ng among Chinese

475

Inaresto ang dalawang Chinese national na may-ari ng isang kompanya matapos ireklamo ng mga empleyado nito na umano’y kinulong sa loob ng kanilang warehouse upang mapilitang mag-overtime sa Kawit, Cavite.

Kasong illegal detention ang isinampa laban kina Qinghui, 37 at Bin Chen, 32, kapwa Chinese national at Operations Manager ng Dan Chang Company sa Brgy. Toclong, Kawit, Cavite. Ito ay matapos silang ireklamo nina Rolando Ave­rilla, 30; Jaime Valenzuela, 43; Ian Clark Madlangbayan, 23, at Ronald Grino, 37, driver.

Sa reklamo ng mga empleyado kay PSSg. Ernesto Dasalla Jr., ng Kawit Municipal Police Station, pinilit umano sila ng mga suspek na mag-overtime sa kanilang trabaho simula noong Biyernes sa loob ng Dan Chang Company Warehouse at wala na silang nagawa dahil hindi na umano sila pinalabas sa kom­panya.

Ayon pa sa mga nagreklamong empleyado, natatakot din umano silang sumuway sa utos dahil baka tanggalin sila sa kanilang trabaho.

“Wala naman daw problema kung mag-overtime ang mga empleyedo kaya lang hindi naman daw sila binabayaran ng kanilang overtime pay,” ayon kay Dasalla. (Gene Adsuara)