Abante Tonite Interactive

Ayaw mamalimos, 5-anyos patay sa madrasta

0 181

Tuluyan nang nasawi ang isang 5-anyos na bata matapos umano itong bugbugin at paluin pa ng pako ng kanyang madrasta dahil sa umano’y pagtanggi ng paslit na sumunod sa utos nitong mamalimos sa Iligan City.

Binawian ng buhay habang nakaratay sa pagamutan ang ‘di na pinangalanang biktima mula sa pagmamaltrato ng kanyang stepmother.

Ang nakakaawang kalagayan ng bata ay kinunan pa ng bidyo ng kanyang tiyahin.

Sa tindi ng dinanas nitong pahirap, hirap itong makatayo.

Sa naturang bidyo ay sinita ng tiyahin kung sinasaktan ng suspek ang bata subalit todo ang pagtanggi nito.
‘Yung bata imo mang kuanon,” wika ng tiyahin na sinagot naman ng suspek ng ‘Wala man!’

Ngunit sa isang bidyo, inamin ng bata na sinipa siya ng kanyang madrasta sa tagi­liran at sa leeg.

“Asa ka dapit gisipa? Sa ley-og?” tanong ng tiyahin na kinumpirma naman ng bata.

Namatay ang bata nitong Huwebes nang umaga kaya’t hinuli ang suspek at inihahanda na ng pulisya ang kinauukulang kaso.

Ayon sa pulis na nag-imbestiga sa kaso, sinasaktan ng madrasta ang bata sa tuwing hindi ito lumalabas ng bahay upang mamalimos.

Ginagamit umano ng suspek ang pera bilang pambili ng alak.