Abante Tonite Interactive

Ayaw nang umalis sa tinirhang lupa

300

Dear Atty. Claire:

Magandang araw po. May lupain po ako na 2.6 hektarya na puro kakahuyan at pasture ground.

Mahigit 15 taon na po ang nakalipas may pinatira kami na isang pamilya na malapit sa amin. Ang hiling nila sa kalaunan ay bibilhin ang pagtitirikan ng kanilang bahay.

Pumayag po kami sa verbal na usapan. Ngayon hinihiling na namin na bayaran nila ang kinatitirikan ng kanilang bahay. Pero sabi nila ilalaban na lang daw nila ng ‘possession’ dahil may nakausap na sila sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Mayroon nga po ba silang ligal na karapatan na magmay-ari ng lupang kinatitirikan ng bahay (temporary construction in wood) nila? Unang-una hindi naman po sila mga magsasaka.

Ano po ang dapat kong gawin para mapaalis sila?
Salamat po sa atensyon ninyo.

Gumagalang,
Gibo

Mr. Gibo:

Dahil hindi ninyo siya magsasaka at siya ay pinayagan lamang na tumira sa lupa ninyo ay hindi naman po iyan sakop ng DAR at hindi niya maaaring gamitin ang depensa na ‘possession’ dahil una’t una pa lang ay may titulo na kayo at hindi niya iyon basta maaangkin.

Ang una ninyong gawin ay magpadala kayo ng demand letter kung saan isusulat ninyo na pinupu­tol na ninyo ang pananatili nila sa lupa dahil gagamitin na ninyo ito. Bigyan ninyo siya ng 15 araw upang makaalis sa inyong lupa. Kung hindi siya aalis sa araw na gusto ninyo ay dapat na magbayad siya ng halaga dahil sa patuloy niyang pag-okupa ng lupa.

Hindi rin obligasyon na bayaran siya sa mga ginawa niya sa inyong lupa dahil mas nakinabang siya sa pagtira niya ng libre sa inyong lupa.

Kapag hindi siya sumang-ayon sa inyong hiling ay kakailanganin na ninyo na magsampa ng ejectment case sa korte at hindi sa DAR Adjudication Board o DARAB.

Ngunit mas ma­ganda pa rin kung magkakasundo kayo para hindi na humantong sa kasuhan na siguradong gagastos pa kayo at aksaya sa oras ninyong dalawa.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922-0245 o 8410-7624 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.