Abante Tonite Interactive

Ayoko ng panis

0 282

Walang pinipiling panahon ang food poisoning. Bagama’t mas maraming kaso nito tuwing summer, puwede pa rin tayong malason sa kinakain natin kahit ngayong wet season.

Kamakailan lang, mahigit dalawang daang suppor­ters na dumalo sa ika-90 kaarawan ni dating First Lady Imelda Marcos ang umano’y na-food poison matapos kumain ng karne at itlog.

Lahat ng pasyente, nagsuka at nakaramdam ng pagkahilo. Maayos na ngayon ang lagay nila.

Kasunod nito, muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa tama at wastong paghahanda ng pagkain. Mahigpit nilang bilin, huwag bumili ng itlog na may lamat na o ‘yung cracked eggs.

Marami ang naeengganyo sa pagbili nito dahil mas mura nang halos tatlong piso kada piraso. ‘Yun nga lang, hindi tayo sigurado sa kalidad nito.

Posibleng kontaminado na ito ng bacteria gaya ng Salmonella at Staphylococcus na karaniwang sanhi ng food poisoning.

Para makaiwas sa food poisoning, tiyakin ding malinis ang pagkain at inuming binibili sa mga bangketa. Mas mainam kung sa kilala o rehistradong tindahan bibili para makasigurong may sanitary permit.

Karaniwang nag-uumpisa ang senyales o sintomas ng food poisoning ilang oras matapos makakain ng kontaminadong pagkain. Kabilang na rito ang pana­nakit ng tiyan, pagdudumi, pagsusuka, pananakit ng ulo, panghihina at lagnat.
Payo ng ilang food experts, tiyaking malinis ang mga kasangkapang gagamitin sa paghahanda ng pagkain.

Hugasan at lutuin ding maigi ang mga rekado gaya ng gulay at karne.

Iwasan ang half-cooked lalo na kung hindi agad iko-consume. Pagkaluto, kainin agad. Sakaling may tira o leftover, ilagay sa ref para ma-preserve ito. Kung muling ihahain ang tirang pagkain, siguru­hing initin ito.

Huwag kalilimutan ang proper handwashing na inaabiso ng DOH sa publiko.
Importanteng maghugas ng mga kamay bago at pagkatapos kumain.

Gumamit ng serving spoon sa pagkain para maiwasan ang pagkapanis nito.

Ang sa akin lang, dahil walang pinipiling panahon ang food poisoning, mainam na siguruhin nating malinis at ‘poison-free’ ang ating pagkain araw-araw para manatiling healthy ang buong family.