Abante Tonite Interactive

Ayuda asan ka?

By
833

Anim na buwan nang tumatakbo ang Tax Reform for Acce­leration and Inclusion (TRAIN) Law sa bansa makaraan ang mahabang pagbusisi, ta­lakayan at debate bago naipasa bilang batas.

Tinanggap na ito ng taumbayan dahil sa mga pangakong magagandang programa partikular ang Build, Build, Build Program, ang libreng College Education, ang dagdag na sahod sa uniformed personnel at iba pang proyekto na makakaa­ngat sa buhay ng mamamayang Filipino.

At dahil nga dumaan ito sa masusing pag-aaral ng economic team ng administrasyon at ng mga mambabatas, tiwala tayo na kinalaunan ay magiging maayos ang epekto nito sa ating mga buhay.

Abante Hiring – IT dep

Maganda raw sa kabuuan ang TRAIN Law dahil nga sa mapopondohan proyekto subalit ang masaklap naisabay ang implementasyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at ang paghina ng halaga ng piso.

Ito ang dalawa sa sinasabing pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Pero kasama rin sa programa ang pagpapatupadng mga ayuda at subsidiya sa pinakamahihirap nating kababayan.

Kasama rito ang Unconditional Cash Transfer Program na P200 kada buwan sa unang taon ng implementasyon at ang Pantawid Pasada Program para sa ating mga tsuper.

Ito ang hinahanap na rin ng ating mga mambabatas na sana ay ipatupad ng gobyerno dahil ito ang inilagay nila sa batas na security at safety measures upang matiyak na mababawasan ang bi­gat ng epekto ng mga idinagdag na buwis sa tinatawag na poorest of the poor na 10 milyong pamilya.

Magaganda ang mga pangakong programa sa ilalim sa TRAIN law at inaabangan ito ng lahat na maipatutupad nang maayos pero ang kaila­ngan ding maramdaman ngayon ay ang mismong pangakong ayuda.

Dahil dito, kaisa tayo sa panawagan sa mga ahensya ng gobyerno na ibigay na ang subsidiya at ayuda sa mahihirap lala pa’t ito ay napondohan na sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).

Posibleng isa tin ito sa tamang hakbangin upang mabawasan ang mga kritiko ng TRAIN at bumabanat sa bagong batas na ito.