Abante Tonite Interactive

Ayusin ang mass transportation

0 264

Todo-balita ni Idol
Jolo Revilla

Ilang panahon na ang nasasayang dahil sa kakahanap natin ng solusyon kung paano luluwag ang kahabaan ng EDSA at iba pang bahagi ng Metro Manila ngunit nananatili tayong bigo.

May nagsasabi na dapat alisin na ang mga provincial buses sa EDSA pero marami ang tutol partikular ang mga commuters mula sa mga probinsya lalo na ‘yung mga senior citizen dahil hindi na umano nila kayang magpalipat-lipat ng sasakyan.

May mga suggestion naman na gawin ng one way ang EDSA at ang C-5 para maibsan ang daloy ng trapiko ngunit umaani ito ng iba’t ibang opinyon dahil sa dami ng mga kababayan natin na gustong magkomento.

Iba-iba ang pananaw, maging sa panig ng mga radio announcer sa iba’t ibang istasyon na imbes na makatulong ay nakadagdag lamang ng kalituhan sa kabila ng pare-pareho nilang nais na mapaganda ang sitwasyon.

Pero sa aking munting pananaw, isa sa pinakamabilis na aksiyon para kahit paano ay maibsan ang pagsisikip sa Metro Manila ay ang ayusin ang mass transportation sa lalong madaling panahon.

Marami kasi sa ating mga kababayan ang payag nang hindi gumamit ng kotse o sariling sasakyan at kung mangyayari ito ay malaking tulong para lumuwag ang buong Kamaynilaan.

Ang nagiging hadlang lamang kaya marami sa mga motorista ang nagdadalawang isip na huwag na gumamit ng sariling sasakyan ay dahil sa kawalan ng maayos na alternatibong masasakyan.

Inuulit ko maayos at ligtas na alternartibong masasakyan ang kailangan ng ating mga kababayan para hindi na gumamit ng sariling sasakyan lalo pa at problema na rin sa ngayon ang parking.

Unang-unang dapat ayusin ang ay ang lahat ng tren mula LRT-1, LRT-2 at MRT-3 na madalas magkaabersya dahil sa kakulangan ng tamang maintenance at kakulangan ng bagon.

Ako mismo ay sumasakay ng LRT kapag sobra ang sikip ng traffic at ilang beses kong nasubukan ang pagtambak ng mga pasahero sa platform sa mga istasyon ng tren dahil sa matagal na pagdating ng kasunod na tren.

At karaniwang dahilan ay kulang ang bagon dahil sa iba’t ibang kadahilanan pero kung kada sampung minuto ay may dumarating na tren, tuloy-tuloy ang biyahe at walang aberya ay mas lalong dadami ang mananakay.

Maging ang mga taxi, kung pupuliduhin lang ang serbisyo mula tamang metro, bantayan ang mga abusadong tsuper na manloloko at alisin ang mga bulok na taxi – tiyak na dadami ang mananakay.

Ang mga pampasaherong jeep, bilisan ang modernisasyon, gawing kaaya-aya ang serbisyo at bantayan ng mga pulis para walang maganap na holdapan sa loob ng jeep at ganito rin halos ang gawin sa mga bus.

Idagdag na rito ang regulasyon para sa mga tricycle at pedicab na sobrang liliit ng sidecar tapos ‘taga’ kung maningil at totohanang alisin ang mga kolorum na sasakyan.

Kung maayos na ang mga ito, tiyak na dadami ang hindi na gagamit ng kotse at luluwag na ang mga lansangan, tsaka n’yo na lang ipatupad ‘yung mga imposible n’yo pang solusyon.

Habang wala!