Abante Tonite Interactive

Ayusin ang sistema sa mga foreign worker

250

Kaye Dacer

Sa wakas natinag din ang mga otoridad sa mga ulat na maraming Chinese ang nagtatrabaho sa bansa na hindi dokumentado o walang kaukulang permit para magtrabaho.

Malaking isyu ito para sa ating mga kababayan na marami ang napipilitang magtrabaho sa ibang bansa tapos malalaman na marami rin palang dayuhan ang nakakapasok at nakakapagtrabaho sa Pilipinas kahit walang permit mula sa gobyerno.

Nakakagalit makita o marinig na napakarami sa ating mga kababayan ang walang trabaho pero may mga dayuhan na nabibigyan ng oportunidad na magtrabaho sa Pilipinas.

Kaya nga mismong ang Senado ay nag-imbestiga na sa isyung ito para malaman kung bakit maraming Chinese ang nakakalat nga-yon sa iba’t ibang bahagi ng bansa at nakakapagtrabaho.

Dapat malinawan kung ano ba talaga ang proseso para sa mga banyagang nais magtrabaho sa ating bansa. Kailangan magkaroon ng iisang proseso lamang at hindi iyong magkakaiba ang polisiya ng ilang ahensya katulad ng Department of Labor and Employment at Bureau of Immigration.

Isa pa, hindi lang dapat targetin dito ang mga Chinese. Hindi lang naman sila ang dumadayo para magtrabaho sa Pilipinas. May iba pang nationality na bukod sa pagiging turista ay naninirahan at nagtatrabaho na sa ating bansa.
Maging parehas dapat sa lahat ang ating mga otoridad. Ayusin ninyo ang proseso o sistema at maging prayoridad pa rin ang ating mga kababayan sa mga oportunidad.

Nagkaroon na rin ng mga public hea-ring ang Senado, sa pamumuno ni Sen. Joel Villanueva, tungkol sa isyu ng mga foreign worker.

Nahimay sa Senado ang usapin at malaking bagay ito para makagawa ng kaukulang batas para maitama o mailagay sa ayos ang sistema sa pagpoproseso ng mga kaukulang dokumento para sa mga banyaga na nais magtrabaho sa bansa.

Sana may patu-nguhan ang pag-iimbestiga ng Senado. Kailangan magkaroon ng maayos na sistema na hindi magbabangayan o magbabanggaan at magsasapawan sa kanilang trabaho ang mga ahensiyang katulad ng DOLE at BI sa pag-iisyu ng permit sa mga foreigner.