Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Babae kadalasang biktima ng problema sa thyroid

0 145

Laging pagod, malungkutin, hindi mapakali at madaling magalit. Ganyan ka ba nitong mga nakaraang araw o buwan? Marami sa mga napigilan sa paglabas at pag-biyahe ang nakakaramdam ng ganito. Pero paano kung hindi pala ang sapilitang quarantine ang dahilan ng mga ganitong pakiramdam kung hindi isang sakit na nagmumula sa thyroid gland?

Ang thyroid gland, ayon kay Dr. Wenceslao Lauderes, isang Internal Medicine doctor at Endocrinologist, ay isang parte ng lalamunan na hugis paru-paro na gumagawa ng mga hormones na ginagamit naman ng katawan sa metabolismo at pagkontrol ng ating temperatura. Kinukuha ng katawan mula rito ang enerhiyang ginagamit natin sa pang-araw araw. Bukod sa metabolismo at temperatura, nire-regulate din ng thyroid gland ang pintig ng ating puso.

Ang iodine ay may mahalagang bahagi sa operasyon ng ating thyroid gland. Kapag kulang ito o sobra, maaaring magkaproblema ang thyroid gland.

Karamihan sa biktima ng problema sa thyroid gland ay ang mga kababaihan. Hindi pa malaman kahit ng mga siyentista kung bakit, pero malamang na may kinalaman ito sa autoimmunity o pagkakamali ng immune system sa pagkilala sa normal na parte nito o kemikal na ginagawa sa katawan na isang kalaban kaya’t gumagawa ang immune system ng antibodies upang labanan ang normal na parte ng katawan. Mas malamang kasi na ang mga babae ang magkaroon ng ganitong problema kaysa sa mga lalaki.

May kinalaman din, ayon sa mga tagapagsaliksik, ang family history, kapaligiran at ang pamumuhay ng isang tao, partikular ng isang babae, para magkaroon ito ng problema sa thyroid. Sa katunayan, 5 hanggang 8 beses na mas malamang na magkaroon ng thyroid disorder ang babae kaysa sa lalaki.

Kaya naman maraming mga kababaihang nagkakaproblema sa kanilang buwanang dalaw, na puwedeng nagpapatlang-patlang o maagang nawawala, nagkakaroon ng polycystic ovarian syndrome, biglang tumataba o sobrang payat, tumataas ang presyon ng dugo, nanunuyo ang balat at buhok, at nagtitibi ang kailangang magpatingin ng kanilang thyroid gland dahil baka dito nanggagaling ang problema.

Kapag nanganak, maaari ring magkaroon ng postpartum thyroiditis. Nangyayari ito sa 5 hanggang 9 na porsiyento sa mga kababaihang nanganak, lalo na kung hindi makontrol ang pagbabago ng hormones nito.

Nakamamatay ang thyroid problem kung hindi maaagapan ang kumplikasyon. Mayroon ding thyroid problem na puwedeng mauwi sa kanser.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Kapag sumobra ang produksyon ng hormones ng thyroid gland, ang tawag dito ay hyperthyroidism. Kain nang kain pero hindi tumataba, laging hindi mapakali at mabilis ang pintig ng puso, laging dumudumi ng basag, laging pinagpapawisan kahit hindi mainit, nahihirapang magkaanak, nagkakaproblema ang regla at tumataas ang presyon ng dugo.

Kakaunting hormones naman ang nagagawa ng thyroid gland sa kondisyong tinatawag na hypothyroidism. Ang may ganitong sakit ay tumataas din ang presyon ng dugo at lumalaki ang puso. Bumabagal din ang pintig ng puso at nagkakaroon ng pamamanhid dahil sa problema sa nerves. Nagkakaroon din ng problema sa pagkakaroon ng anak dahil mahaba ang panahon ng pagreregla ng mga ito. Nahihirapan din silang makipagniig at nawawala sa focus. Maaaring maapektuhan din ang buhok at kuko na madaling maputol o mabali. Nahihirapan din silang dumumi. Maaari ring mamalat dahil sa bukol na tumutubo sa lalamunan o nagkaka-goiter.

Kung may hypothyroidism, ang iodine ang dapat na idagdag sa kinakain.

“Iodine supplementation, for those who have hypothyroidism, is one of the solutions for this problem,” says the doctor. But it is important also to check other foods in our diet.

Iwas muna sa soya, Brussels sprout, repolyo, singkamas, watercress at kale kung may problema sa thyroid dahil ang mga ito ay goitrogens o kalaban ng thyroid.

Gayundin sa broccoli, cauliflower, spinach, kamote, cassava, strawberries, peaches at maging sa mani.

Sinasabing ang gluten, isang protina, ay hindi rin maganda para sa may problema sa thyroid dahil lumilikha ito ng mga bukol bukol sa thyroid gland. Ang gluten ay matatagpuan sa barley, rye at wheat.

May mga gamot at operasyon naman para sa problema sa thyroid. Pero huwag na itong hintaying lumala pa. Regular na magpatingin sa doktor lalo na kung nagsisimula na ang mga simtomas o dumadalas na ang nararanasang simtomas ng problema sa thyroid.

Leave A Reply

Your email address will not be published.