Abante Tonite Interactive

Babae kinatay sa footbridge

By
561

Kaawa-awa ang hitsura ng isang babae na mistulang kinatay nang matagpuan ito na duguang nakahandusay sa ibabaw ng footbridge sa Quirino Highway, Bagbag, Novaliches, Quezon City kahapon ng alas-12:10 ng hatinggabi matapos tadtarin ng saksak ng isang lalaki na kanyang nakaaway.

Ayon kay Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kaniyang Unified Multi-Purpose ID (UMID) na si Aileen Pasilang Papaya, nasa hustong gulang at residente ng No. 112 Pineapple Road, Potrero, Malabon.

Nakatakas ang hindi pa nakikilalang suspek na batay sa pagkakalarawan ng ilang nakasaksi ay tinatayang nasa 25-30 ang edad, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng jacket.

Sa inisyal na im­bestigasyon ni PO3 Anthony Tejerero, sinabi umano ng dalawang vendor sa naturang footbridge na sina Ricky Belen at Liza Cenetono na nakita nilang tila nag-aaway o nagtatalo ang biktima at ang suspek habang tumatawid sa nasabing lugar.

Makalipas lamang ang ilang minuto ay narinig umano nila na sumisigaw ang babae at humihingi ng saklolo. Pagkatapos ay nakita naman nila ang suspek na tumatakbong papatakas.

Dahil dito ay ini-report nila ang nasaksihan sa mga barangay tanod sa nasabing lugar at agad namang rumesponde sina Cesar Ambita, Zenaida Official at Annabel Liporad.

Pagdating ng mga tanod ay natagpuan na nila ang biktima na nakahandusay at duguan.

Namatay ang biktima habang isinusugod sa Quezon City General Hospital (QCGH) dahil sa mga tinamong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Hinihinala ng pulisya na posibleng magkasintahan ang biktima at ang suspek. Pero kanila pa rin itong aalamin habang patuloy ang pagsisiyasat sa krimen upang matukoy ang suspek.