Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Babae sa kotse kinaladkad, nirapido

0 627

Kinaladkad palabas ng kotse ang isang babae bago pinagbabaril hanggang sa mapatay ng hindi pa nakilalang lalaki sa madilim na bahagi sa Barangay Pag-Asa, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang biktima sa pamamagitan ng postal ID at PhilHealth ID na si Ellen Wu, 38, taga-1504 Lope De Vega St., Sta. Cruz, Manila. Naka-cream sando ito at blue pants.

May nakita ding mga tattoo sa bangkay ng biktima na “JENNY, Butterfly, Tribal.”

Sa inisyal na report sa Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang insidente ay naganap ala-1:06 ng madaling araw (Aug. 2) sa Agham Road corner Quezon Avenue, Brgy. Pag-Asa, QC.

Sa pahayag saksing taxi driver na si Mang Francisco, ipinaparada niya ang minamanehong Toyota Vios nang makarinig siya ng putok ng baril sa kabilang kalsada.

Ayon sa taxi driver ay nakita niya ang isang di-kilalang lalaki na lumalabas sa isang nakaparadang Toyota Vios na di naplakahan habang hinihila palabas ang babae at saka pinagbabaril.

Nang masigurong patay na ito ay mabilis nang tumakas ang suspek dala ang ginamit na armas.

Narinig din ng mga guwardiya ng Manila Seedling, ang sunud-sunod na putok ng baril at nang kanilang puntahan ang pinagmulan ay nakita ang duguan at nakabulagtang katawan ng ginang.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya sa motibo at salarin sa krimen. (Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.