Abante Tonite Interactive

Babae tinadtad ng bala sa Taguig

319

Wala ng buhay nang matagpuan ang isang hindi pa nakikilalang babae na may tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan sa Taguig City kahapon ng umaga.

Sa ngayon ay patuloy pa ring inaalam ng pulisya ang pagkakakilalan ng biktima na tinatayang nasa edad 35-40, may taas na 5’1” – 5’3”, mahaba ang buhok, naka-red blouse, black maong pants at may gray na shoulder bag.

Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, alas-sais ng umaga nang makatanggap sila ng tawag sa isang concerned citizen ukol sa natagpuang bangkay sa bahagi ng C-6 Road sa Brgy. Sta. Ana.

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at kinordonan ang lugar kung saan natagpuan ang bangkay nito.

Dahil sa kawalan ng saksi sa krimen, blangko pa rin sa imbestigasyon ang pulisya sa pagkakakilanlan at motibo sa krimen.

Pahayag ng pulisya, maaaring pinaslang sa ibang lugar ang biktima at itinapon lamang sa naturang kalsada upang iligaw ang mga imbestigador. (Armida Rico)